October 9, 2025 | 12:00am
Mukhang hindi nakarating sa mga taga-Bubble Gang ang pangarap ng contractor na si Sarah Discaya na gusto nitong mag-guest at makipag-face off kay Michael V.
Isang executive ang kinausap ng isang staff ni Mrs. Discaya, pero mukhang hindi nila type ang ganung ideya.
Hindi lang pala si executive ang kinausap, kundi meron pang isang staff na kinausap mismo ang isang cast ng Bubble Gang. Pero hindi na rin sinabi kay Michael V.
Bukod pa riyan, sa pagkakaalam nila ay nasa kustodiya na ng Senado o sa ICI o Independent Commission for Infrastructure ang mag-asawang Sarah at Curlee Discaya, at baka maging isyu pa ito.
Pero hanggang ngayon ay meron pa ring nagsa-suggest na pagtapatin na sina Sarah Discaya at Ciala Dismaya na karakter ni Michael V.
Masayang pasabog nga ito sa 30th anniversary ng Bubble Gang, pero nai-tape na pala nila ang anniversary episode nila na mapapanood na sa October 19 at 26.
Dinaluhan ito ng halos lahat na naging bahagi ng Bubble Gang mula sa year 1 nito.
Isa sa special guests ay si Vice Ganda na maaga nilang nai-tape.
Akala namin ay hindi invited si Ogie Alcasid na isa sa original casts kasama si Michael V dahil wala siya roon sa taping nung Linggo.
Meron na rin palang kinunang isang segment na kasama si Ogie. Kaya halos kumpleto ang buong mga Batang Bubble na ikinatuwa mismo ni Bitoy.
Ely Buendia, pinatunayang aktor din
All-set na dapat ang pagdalo ni Ely Buendia sa screening ng pelikulang Padamlagan na entry ng direktor na si Jenn Romano sa Cinemalaya 21 noong Linggo.
Nag-post pa siyang darating siya, pero nagkaroon daw ng emergency sa kanila na kailangan niyang harapin, kaya wala na ito sa Talk Back pagkatapos ng screening.
Si Ely ang bida sa regional film na ito na Bicolano ang dialogue. Ang nakadalo lang sa cast ay sina Sue Prado, Esteban Mara, at Floyd Tena.
Puring-puri nila rito si Ely na isa rin palang Bicolano. Ikinuwento ng direktor ng pelikula na si Jenn Romano na dumaan sila sa mahabang proseso sa pagpili na gaganap bilang si Doring na bida sa kuwento ng pelikulang ito.
“Idinaan namin siya sa masuring proseso. Nag-audition kami sa community, naghanap kami ng marunong pang mag-Bicol. Surprisingly, si Ely kasi may roots siya sa Naga.
“Dun siya lumaki. I think hanggang Grade 2 yata siya sa Parochial school. So, yun din ‘yung parang uy, baka, oo, puwede,” pagbabahagi ng direktor.
Sabi naman ng producer nitong si Kristine de Leon, fan daw talaga siya ng Eraserheads at sinabi nga raw sa kanyang Bicolano itong si Ely : “Gusto lang talaga naming may somewhat na roots na Bicol, para authentic sa pagiging regional. Tapos nag-pitch kami sa kanya, at ang tanong niya ay ‘may music ba ‘to, like kakanta ba ako? Sabi namin, wala po. Pure as in Bicolano. Sabi niya, okay, iyun kasi yung gusto. He wanted to parang ahhh sa box niya na makilala siya sa iba. He wanted to try as an artist. Yun! Binasa niya yung script and he said yes.”
Naitawid ni Ely nang maayos at ibang-iba siya sa pelikulang ito.
Puring-puri siya ng mga co-stars niya.
Sabi ng stage actor na si Floyd Tena; “Alam mo, aakalain mo na rock star siya, di ba? Pero ahh sinabi niya sa amin sa set ng Padamlagan na parang first time niya ito. So, kung ano man iyong maa-absorb niya na learnings from us, gagawin niya. Yung mga ganun. And nagtatanong siya sa set kung ano’ng magandang gawin sa ganito, ganyan, ganyan. So naa-appreciate namin iyung ganun.
“Kasi, he’s hungry for learning, di ba? And sana, gumawa pa siya ng maraming pelikula dahil napakalalim ng taong iyan!”
Dugtong naman ni Sue Prado; “Saka grounded. Gusto niyang matuto. ‘Yun talaga, no? Kanina, pinag-uusapan namin, siya si Doring talaga, e. Naiintindihan ni Ely kung sino si Doring at ano siya. Kaya nag-translate siya very well on screen. Mahilig siyang magtanong, e. Di ba? Ayun, kaya sana ma-meet nyo siya, tapos makatrabaho nyo rin.”
Ang isa pang ikinagulat ng co-actor niya ay malakas daw pala itong si Ely Buendia. Sabi ni Floyd Tena, “So coming into the set, parang feeling ko, sabi ko, ‘Ay! Napaka-frail niya,’ sabi kong ganyan. ‘Paano kaya ang eksena namin na may suntukan kami?’ Ang lakas niya! Ang lakas niya, I swear!”
Isa si Ely sa hinuhulaang makuha ang Balanghai trophy sa Best Actor, pero matindi rin ang makakalaban niya.