Bubot na Bayabas (147) | Pilipino Star Ngayon


Ronnie M. Halos — Pilipino Star Ngayon

December 12, 2025 | 12:00am

Matamis na matamis ang ngiti ni Guava nang magising kinabuka­san. Nang sulyapan niya ang oras sa cell phone ay 9:00 a.m. na. Tanghali na.

Nang balingan niya si Apol, tulog na tulog pa ito.

Hinayaan niyang ma­tulog ang asawa.

Maya-maya, nakatuwaan niyang laru-laruin ang labi ni Apol. Maninipis ang mapupulang labi ni Apol. Pinisil-pisil niya.

Nagising si Apol.

“Ang nipis ng labi mo Apol—parang labi ng babae.”

“Nagmana ako sa labi ng mama ko.”

“Talaga?”

“Mas manipis nga ang labi ko, kaysa labi ni Ate Ginger.”

“Pero ma­ganda si Ate Ginger. Gandang-ganda ako sa kanya.”

“Bakit mo naman na­pagtripan ang labi ko, Guava?”

“Wala lang.”

“Alam ko na!”

“Ano?”

“Naglilihi ka na, ha-ha-ha!”

“Ang bilis naman, ha-ha-ha!”

 

Makalipas ang dalawang linggo, nagbalik na sa Maynila sina Apol at Guava. Sa bahay ni Apol sila nagtuloy.

Isang araw, nagulat si Apol sa nakita. Ang puno ng bayabas ay hitik na hitik sa bunga!

(Itutuloy)