August 28, 2025 | 12:00am
Nagulat si Apol nang tawagin ng babaing may-ari ng sari-sari store sa kanto. Naglalakad si Apol at kagagaling lamang sa pinauupahan niyang mga kuwarto sa Makati.
“Apol sandali, may ipakikita ako sa’yo!”
“Ano po ‘yun, Manang?”
“Halika rito.”
Nagtatakang lumapit si Apol kay Manang.
Hawak ni Manang ang cell phone nito.
“Tingnan mo itong nakunan kong picture ng dalagitang maganda. Ito ba ang sinasabi mong dalagita na naaktuhan mong kumukuha ng bayabas.”
Biglang napalapit si Apol at tiningnan ang picture. Bahagyang blurred ang retrato pero ‘yun ang dalagitang nahuli niyang kumukuha ng bayabas.
“Siya ba ang sinasabi mo?”
“Opo Manang. Saan mo po siya nakita?”
“Diyan mismo sa kanto. Mga ala-una ng hapon kahapon. Naglalakad siya.”
“Saan po ang direksiyon niya?”
“Patungo sa kalye n’yo. Lumiko siya riyan.”
“Nakita mo po ba kung sa bakuran ko siya pumasok?”
“Hindi. Ang bilis maglakad. Pagtingin ko uli sa kanya, wala na. Iglap lang.”
“Hindi mo po nakita kung dumaan pabalik?”
“Hinintay ko ngang dumaan pero wala.”
“Saan kaya nagdaan e dead end na ang kalye sa amin.”
“Nagtataka nga rin ako, Apol.”
(Itutuloy)