Bulldogs sososyo sa liderato vs Tamaraws


Elech Dawa — Pilipino Star Ngayon

September 27, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Nasa kukote ni Jake Figueroa at ng National University na sakmalin ang makakatapat na Far Eastern Univerity upang sumalo sa tuktok ng team standings ng UAAP Season 88 men’s basketball tournament.

Magsisimula ang la­ba­nan ng Bulldogs at Tamaraws sa alas-2 ng hapon na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum at susunod ang bakbakan naman sa pagitan ng University of Sto. Tomas at last year’s runner-up De La Salle ang masisilayan ng mga fans sa alas-4:30 ng hapon.

Siksikan sa pangalawang puwesto ang Bulldogs, Growling Tigers at Green Archers na may tig-1-0 baraha habang solo sa unahan ang Ateneo de Manila University na hawak ang 2-0 card.

Humugot ng puwersa si NU head coach Jeff Napa kay Figueroa nang kalusin nila ang University of the East, 72-57 sa una nilang laro noong Linggo, tumikada ito ng 16 points, anim na rebounds, limang steals at  tatlong assists.

Para kay Napa, kaila­ngan lang na maayos ang kondisyon ng pangangatawan ng kanyang mga bataan basta walang injury para magpatuloy ang maganda nilang simula.

Makakatulong ni Figue­roa sina Paul Francisco, Kenshin Padrones at Fo­reign Student Athlete Omar John para maduplika ang kanilang panalo.

Samantala, asahang magiging determinado ang FEU dahil nais nilang makabangon agad mula sa pagkakadapa sa unang laro kontra Ateneo, 83-86.