Cardinals markado sa NCAA Season 101


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

September 24, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Lahat ay nakatutok sa Mapua University sa pagdedepensa nito ng korona sa parating na NCAA Season 101 men’s basketball tournament.

Ngunit para kay Cardinals’ coach Randy Alcantara, lahat ng koponan ay palaging may tsansang manalo ng kampeonato.

“Sa akin talaga lahat naman malakas this season, lahat puwedeng mag-champion this season,” wika ni Alcantara. “Siguro nagiging humble lang itong mga fellow coaches.”

Sa likod ni Finals MVP Clint Escamis ay winalis ng Mapua ang College of St. Benilde ni mentor Charles Tiu sa kanilang best-of-three championship series ng nakaraang Season 100.

“The team to beat ob­viously is Mapua. Petiks lang sila sa preseason, pero pagdating ng season bigla silang nag-iiba,” ani Tiu.

Bagama’t lumipat sina veterans Chris Hubilla at Lawrence Mangubat sa Jose Rizal Heavy Bombers ay nananatiling paborito ang Cardinals.

Gagamitin sa NCAA Season 101 na magbubukas sa Oktubre 1 sa Smart Araneta Coliseum ang bagong format kung saan hahatiin sa dalawang grupo ang mga koponan.

Magkakaroon ng play-in phase kasunod ang quarterfinals, habang parehong best-of-three series ang semifinals at finals.

Ang top two teams sa bawat grupo ay magkakaroon ng ‘twice-to-beat’ advantage sa crossover quarterfinal phase kasunod ang parehong best-of-three series sa semifinals at championship.