Carla, puro blessing ang natatanggap


Pagkatapos lumabas ang balitang nakatakda nang ikasal si Carla Abellana, marami na ang nagtanong sa akin kung ia-announce ba ito ng Kapuso actress.

Malay namin!

Na kay Carla na ‘yun kung gusto nilang manatiling pribado o isapubliko ito.

Sa nakaraang media conference ng huli niyang pelikulang Selda Tres, natanong din si Carla tungkol sa lovelife niya, pero ang tipid at ang safe ng sagot.

‘Yun pala merong nagpapasaya sa kanya na tinaguriang Patron Saint of Concerned Citizens.

“Ay! Masaya!” bulalas ni Carla.

“I’m happy where I am now. Andami na pong nangyari actually in the past few years.

“Parang merong blessing over blessing, over blessing. Mas nakakapag-focus po sa family,” dagdag niyang pahayag.

Mas excited daw siya sa kanyang dream house. Ito na kaya ang magiging tahanan nila pagkatapos ng kasal?

“I’m into my dream house. Dire-diretso naman po thankfully ang mga project, both on TV at saka sa pelikula din po,” sabi pa niya. Pero tumatanggi naman pala siya ng projects, dahil nga siguro sa kanyang pagpapakasal.

“Dumarami po ang aking mga alagang aso. Andami pong blessings! Hindi naman din po ibig sabihin na walang mga pagsubok, walang problems. Meron pa rin po. Pero masayang-masaya!

“Kumbaga, kung titingnan ko po iyong mga nangyari sa akin na past, parang… masaya po ako’t grateful kung nasaan po ako ngayon.

“Kung gaano ako kasaya, at peace, ‘yung mga ganoong bagay. At saka fulfilled,” dagdag pa niyang pahayag.

Matamis ang ngiti ni Carla nang tinanong ito tungkol sa kanyang lovelife.

“Okay naman po siya,” sagot ng aktres nang pagkatamis-tamis na ngiti.        “Okay naman po, buhay pa rin naman po ang aking puso, hahaha!

“Ahhh maraming dahilan para maging masaya iyong puso ko,” sabi pa ng Kapuso actress.

Marami rin ang masaya para kay Carla, dahil deserved naman talaga niyang maging masaya ang kanyang puso.

Fe at Mitch, nag-hit sa laswaan at kantahan

Ang kuwela ng tsikahan namin kina Mitch Valdez at Fe de los Reyes na magkakaroon ng concert sa Oct. 25 sa Teatrino, Greenhills.

Aliw ang title ng kanilang show na Sex And The Seniors na pangatlong repeat na pala ito.

“Parang nagkuwentuhan lang kami sa mga totoong experience. Tapos, kinuha namin si Mel Villena ‘yung batikang musical director na meron siyang AMP Band. Tapos nag-brainstorm kaming tatlo, and here is the show on its third repeat. O hindi ba? Ang ganda, ‘di ba?

“Pinag-uusapan namin ‘yung nangyayari sa babae ‘pag tumatanda.

“So, sabihin na natin biological,” pakli ni Mitch.

Dagdag na pahayag ni Fe, “Pero maraming kantahan and we talk about growing older, getting old, being a mother, being single, being a lola.”

Na dinugtungan ni Mitch ng, “Na nagse-sex pa.”

Ideya pala ito ng namayapang writer at director na si direk Floy Quintos na matagal na raw nilang pinag-usapan.

Itinuloy nila ito na sila na raw ang nagsulat ng script, sila rin ang nagdirek at kahit costume at iba pang kailangan ay sila na rin daw.

May ilan lang kaibigang nasa production na tumulong at nag-a-assist sa kanila.

Siyempre, kailangan nilang mag-adjust sa mga mainit na pinag-uusapan sa ngayon. Kagaya nitong isyu ng corruption na naging paborito ring topic na gustong i-tackle sa mga ganung klaseng show.

“We include that naman in our shows, pero siyempre swabe lang ‘di ba Mitch?” sabi ni Fe kay Mitch.

Dagdag na pahayag ni Mitch, “Pinag-uusapan nga namin ni Fe ‘yan bago mag-show. Noon kasi, parang ‘yung news at political jokes, panay tungkol sa mga alam mo na, hindi kanais-nais na ginagawa ng mga certain sectors in the government ganyan-ganyan. O meron mga individuals na may identity.

“Ngayon kasi iniisip ko rin kaya pa rin kaya ng mga tao tumawa o magpunta sa show. Kasi parang sumobra ‘yung galit, alam n’yo ‘yun.

“Sumobra ‘yung galit talaga ngayon na kahit ang mga tao noon na walang masyadong pakialam. E ngayon, kahit saan ka lumingon, galit na galit ang tao.

“So, iniisip din namin ni Fe ‘yun kung gaano… how far we can go.”

Basta ang importante ay magpapatawa pa rin daw sila.

“Siguro gusto pa rin nilang tumawa. Magpatawa na lang tayo.

“I think we need to laugh,” pakli ni Fe.

“Pero galit talaga ang tao. Galit talaga,” dugtong uli ni Mitch.

“E kahit America rin naman, magulo rin dito,” sabi naman ni Fe na based pa rin sa San Francisco, California. Pero natutuwa siyang nakakaraket pa rin siya dito sa atin.