Nasungkit ni Coco Martin ang Pinakapaboritong Artista ng Masang Pilipino award mula sa ginanap na Inding-Indie Film Festival 2025 kamakailan. Masayang-masaya ang aktor at direktor dahil pinarangalan din ang FPJ’s Batang Quiapo ng People’s Choice Award at Best TV Program. “Parang nagbabalik-tanaw ako kasi sa Inding-Indie Film Festival, diyan po ako nagsimula (sa paggawa ng independent films). Napakahaba na po ng aking paglalakbay. Kasama ko pa po diyan si Jiro Manio (pinarangalan ng Natatanging Aktor ng Bansa). Kami po ang nagsimula sa mga indie films noong araw. Kaya masarap po sa pakiramdam ko na nagkita muli kami,” nakangiting bungad ni Coco sa ABS-CBN News.
Matatandaang maraming nagawang independent films ang aktor mahigit dalawang dekada na ang nakalilipas. Hindi raw inakala ni Coco na mararating niya ang kanyang estado sa kasalukuyan. “Hindi ko inakala na mararating ko ito sa buhay ko. Kung ano ako ngayon at kung nasaan man ako ngayon. Sa simula hindi ko naman po pinangarap maging artista,” pagtatapat niya.
Mayroong panawagan si Coco sa mga kapwa-artistang nanunungkulan sa gobyerno. Umaasa ang aktor at direktor na susuportahan ng pamahalaan ang entertainment industry lalo na ang mga gumagawa ng independent films. “Ang husay-husay ng mga Pinoy umarte, magdirek at kung anu-ano pang parte ng paggawa ng pelikula at telebisyon, at sa iba pang singing sa buong Pilipinas, kaya itong award na ito, ibinabahagi ko sa lahat ng mga nakasama ko sa paggawa ng indie films,” pagtatapos ng aktor at direktor.
Andrea, inaral ang pagiging magtatahong
Mapapanood sa Afternoon Prime ng GMA ang Akusada na pinagbibidahan ni Andrea Torres. Bilang paghahanda ay nanood ang aktres ng dokumentaryo tungkol sa buhay ng mga nagtatahong. Personal ding nakihalubilo si Andrea sa mga tunay na magtatahong. “Meron po akong nakusap na ‘yun ang trabaho niya. So thankfully naman, pumayag siya na ma-interview ko siya, mag-observe ako and ma-try nang konti na pumunta talaga do’n sa palaot. Kasi gusto kong makita ‘yung life nila and based din kasi do’n, mabubuo mo ‘yung kung ano ba ‘yung kinalakihan ng character,” pagbabahagi ni Andrea sa 24 Oras.
Si Benjamin Alves ang makakatambal ng aktres sa naturang suspense-drama ng Kapuso network. Para sa aktor ay talagang kaabang-abang ang bawat eksenang kanilang ginawa ni Andrea sa serye. “I think naman with the title Akusada, parang more or less may ini-expect na ang Kapuso na this is very gripping, may suspense, may thrill,” paglalahad ni Benjamin.
Kabilang din sa naturang proyekto ang singer-actor na si Ronnie Liang. Ayon sa binatang piloto ay nagamit daw niya ang mga pinag-aralan noon dahil sa kanyang karakter sa serye. “’Yung training na tinake ko before, ngayon naa-apply ko din sa trabaho dito sa Akusada,” maikling pahayag ni Ronnie. (Reports from JCC)
