October 13, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Abot-kamay na ng national curling team ang tsansang makapasok sa 2026 Winter Olympics na gaganapin sa Milan at Cortina d’Ampezzo sa Italy sa Pebrero.
Ito ay matapos walisin ng Pinoy curlers ang lahat ng asignatura nito sa pre-Olympic qualification event na ginanap sa Curl Aberdeen sa Scotland.
Bumandera sa kampanya ng Pinoy squad ang 2025 Asian Winter Games gold medal-winning team nina Marc Pfister, Christian Haller, Enrico Pfister, Brayden Carpenter at Alan Frei.
Nakumpleto ng Pinoy curlers ang 6-0 sweep sa torneo upang awtomatikong makapasok sa Olympic Qualification 2025 event na gaganapin sa Kelowna sa British Columbia sa Canada mula Disyembre 6 hanggang 19.
Ang dalawang mangungunang koponan sa Olympic Qualification sa Kelowna ang makakapasok sa Winter Olympics na idaraos naman mula Pebrero 4 hanggang 22 sa Italy.
Masaya si Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino sa ipinamalas ng koponan patunay lamang na may ibubuga ang Pilipinas sa winter events sa kabila ng pagiging tropical country nito.
“We’re so happy to announce that our Philippine men’s curling team is just a door step away from making it to Milan and Cortina d’Ampezzo,” ani Tolentino.
Kabilang sa mga tinalo ng Pinoy curlers ang South Korea na tinalo rin nito sa men’s team final sa iskor na 5-3 sa Asian Winter Games na ginanap sa Harbin, China noong Pebrero.
Tinalo rin ng Pilipinas ang Denmark, 7-4; Chinese Taipei, 10-0; New Zealand, 6-5; Australia, 9 (7)-4; at Poland, 7-2.
“They performed really well in Scotland and we are proud of them. We expect them to advance, and we are calling the entire nation for support and prayers,” ani Tolentino.
Umaasa si Tolentino na patuloy na susuportahan ng Philippine Sports Commission ang kampanya ng curling team.
“We are also hoping that the PSC support their campaign,” ani Tolentino.