Cyber libel nina Kiko at Sharon kay Cristy, naayos sa mediation


“Anak, napakasaya ko. FORGIVING COUPLE ang tawag ko sa kanila. Mahalaga talaga ang komunikasyon, pero mas importante ang mga pusong mapagkumbaba, tulad ng kina Sen. Kiko at Sharon Cuneta,” komento ni Nay Cristy Fermin nang hingan ko ng reaction sa inilabas na statement ni Senator Kiko Pangilinan at Sharon Cuneta.

Iniatras na nga ng mag-asawa ang kanilang kasong cyber libel laban sa batikang entertainment columnist and digital talk show host pagkatapos ng kanilang out-of-court settlement ayon mismo sa statement ng opisina na bagong halal na senador.

Nagkaroon diumano ng mediation procedure na pinagtibay sa harap ng Makati Regional Trial Court Branch 148.

Nakasaad pa sa statement ng opisina ng mister ni Ate Shawie, “We also manifested that due to the settlement, we are permanently desisting from pursuing the case.”

“Since the prosecution cannot proceed without the cooperation of the private complainants, Judge ruled that the case is dismissed for lack of evidence and Fermin is found not guilty,” ayon pa sa pahayag ng abogado ng pulitiko.

Maaalalang nag-public apology si Nay Cristy sa kanyang programa sa YouTube.

Kinasuhan si Nay Cristy ng five counts of libel ng mag-asawa kamakailan.

Sa totoo lang ang daming nagulat sa nasabing kaso dahil kilalang malapit sa isa’t isa sina Nay Cristy at Ate Shawie na nag-post naman kahapon ng “Di basta naitatapon at nalilimot ang pagkakaibigan. Napakadaling ipagpatuloy ang pagmamahalan! Namiss ko si Nay. My heart is so happy and at peace.”