September 26, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Matapos ang 55 taon ay muling nakapasok ang mga Czechs sa semifinal round ng FIVB Volleyball Men’s World Championship.
Kumana si Patrik Indra ng 22 points habang may 21 markers si Lukas Vasina para igiya ang World No. 18 Czechia sa 22-25, 27-25, 25-20, 25-21 pagdaig sa World No. 16 Iran sa kanilang quarterfinals match kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Tumipa si Lubos Bartunek ng 34 excellent sets para sa mga Czechs na naghari noong 1956 at 1966 kasunod ang fourth-place finish noong 1970 bilang Czechoslovakia.
Sasagupain nila sa semis ang mananalo sa quarterfinals match ng World No. 4 USA at ang World No. 14 Bulgaria na kasalukuyan pang naglalaro kagabi habang isinusulat ito.
Nadiskaril ang misyon ng mga Iranians, pumigil sa pagpasok ng Alas Pilipinas sa Round of 16, na makaabante sa kauna-unahan nilang semis stint sa world meet.
Nakahugot ang defending Asian Games champions ng tig-18 points kina Ali Hajipour at Poriya Hossein Khanzadeh Firouzjah kasunod ang 11 markers ni Morteza Sharifi.
Bumangon ang Czechia mula sa 22-25 kabiguan sa first set para makatabla sa Iran sa second frame, 27-25.
Ito ang ginamit na buwelo ng mga Czechs para agawin ang 2-1 bentahe mula sa pag-angkin sa third set, 25-20, bago tinuluyan ang mga Iranians sa fourth frame, 25-21.
Nauna nang tinalo ng Czechia ang Tunisia, 25-19, 25-18, 25-23, sa Round of 16 papasok sa Last 8.
Umiskor naman ang Iran ng 23-25, 25-19, 24-26, 25-22, 15-9 panalo sa World No. 12 Serbia sa kanilang Round of 16 match patungo sa quarterfinals.
Samantala, magtutuos ang World No. 1 Poland at World No. 2 at nagdedepensang Italy sa semifinals bukas.
May apat na korona ang Italy, habang may tatlo ang Poland na huling nagwagi noong 2014 at 2018 kasunod ang paghahari ng mga Italians noong 2022.
