Dapat umuwi si Coat dito magsalita


BANAT NI BATUIGAS — Bening Batuigas — Pilipino Star Ngayon

November 18, 2025 | 12:00am

NATAON nga lang kaya ang paglabas ng video ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co sa malaking rally ng Iglesia ni Cristo ganundin sa rally ng Jesus is Lord at Kingdom of Jesus Christ? Si Co ay nasa ibang bansa at inaakusahang nakakopo nang bilyun-bilyong pisong kickback sa pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa flood control projects.

Sa unang bahagi ng video, sinabi ni Co na sina President Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez ang nasa likod ng P100 bilyong insertions sa 2025 budget. Ginamit lamang umano siya ng dalawa. Ang mga ito rin umano ang nagpayo na manatili siya sa ibang bansa.

Sa ikalawang bahagi ng video, ibinunyag ni Co, na siya mismo ang nagdala ng male-maletang pera kay PBBM at Romualdez sa mga bahay nito sa Forbes Park at nagdala rin siya hanggang Malacañang. Siya raw at kanyang mga tauhan at security ang nag-deliver at ang mga deliveries ay merong record sa kanyang mga tao. Wala raw perang na­punta sa kanya. Lahat nang insertion napunta raw kay PBBM.

Ipinakita rin ni Co ang video ng mga maleta na pinaglag­yan umano ng perang idiniliber ng kanyang dating aide na si Orly Guteza sa Malacañang at Forbes Park. Totoo raw ang sinasabi ni Guteza.

At ang matindi pa, pinagbantaan daw siya ni Romualdez na papatayin kaya minabuti na niyang isiwalat ang lahat-lahat.

Para sa akin, dapat umuwi na si Co at dito panumpaan ang kanyang mga salaysay. Kung sa video lang niya gagawin ang pag-aakusa, sa palagay ko ay walang maniniwala sa kanya. Dito niya isiwalat ang mga nalalaman sa budget inser­tions. At pagkatapos niyang panumpaan ang mga isiniwalat ay sagutin niya ang mga paratang sa kanya kaugnay sa flood control projects.

Dahil sa mga pahayag ni Co, kaliwa’t kanan na naman ang isasagawang protest rallies laban sa katiwalian. Pero ang pinag­tataka ko, pinagre-resign nila si PBBM. Sabagay wala namang masama dahil puwede namang magpahayag ang sinuman sa bansang ito.

Subalit kung ang iluluklok naman nila ay matatakaw din sa pondo ng bayan, panahon na para mag-isip ang lahat. Gusto nilang alisin ang inaakala nila’y magnanakaw pero ang iluluklok din ay magnanakaw? Hindi maganda ito.

Dapat magkaisa ang mamamayan laban sa mga mandarambong upang maisalba ang bansa.