Dennis, sa Oscars naman gustong manalo!


SHOWBIZ NEW NOW NA! — Boy Abunda — Pilipino Star Ngayon

October 18, 2025 | 12:00am

Kamakailan ay nasungkit ni Dennis Trillo ang Best Actor award para sa pelikulang Green Bones sa ginanap na 48th Gawad Urian. Naka-ilang Best Actor award na si Dennis mula sa iba’t ibang award-giving bodies para sa naturang proyekto. Ngayon ay mayroon pang isang pinapangarap ang premyadong aktor.

“Oscars naman, hindi, joke lang. ‘Yon na ‘yung rurok pero alam mo ‘yon? Malayo pa tayo doon,” masayang pahayag ni Dennis sa Unang Balita.

Maraming klaseng proyekto na ang nagawa ng Kapuso actor sa mahigit dalawang dekadang pananatili sa show business. Kung mabibigyan ng pagkakataon ay gusto umanong gumawa ni Dennis ng isang musical film.

“Why not, parang wala pa akong musical. Ang gusto ko kasing gawin mga horror eh. Gusto ko ‘yung mga dark na projects. Horror, suspense, thriller, psycho drama,” pagbabahagi niya.

Naniniwala si Dennis na bukod sa pagsisikap ay nakatadhana rin ang lahat ng mga parangal na kanyang nakakamit sa nakalipas na dekada. “Tingin ko ano ‘yan, 50-50. Kailangan talaga Pagtrabahuhan mo rin kung meron kang gusto. Kung destiny man ‘yan, hayaan mong maging guide lang ‘yan sa ‘yo,” makahulugang pagtatapos ng Kapuso actor.

Ruru, gustong maging teacher

Puspusan ang ginagawang training ni Ruru Madrid ngayon para sa Pinoy martial arts na Laraw Kali Pamuok. Ayon sa aktor ay talagang nakahiligan na niya ito lalo na ngayong hindi pa abala sa paggawa ng mga proyekto.

“Mahal ko ‘yung martial arts eh. Gusto ko ‘yung napapagod ‘yung sarili ko. I love learning new skills,” nakangiting pahayag ni Ruru sa 24 Oras.

Para sa binata ay kailangang mahalin ang sariling atin kaya hinihikayat din ang mga kabataang Pinoy na subukan ang naturang uri ng martial arts. “Ito talagang Pilipino. So might as well, ito ‘yung bibitbitin ko at I’m hoping na makahawa ako sa mga kapwa natin Pilipino at makapagbigay tayo ng inspirasyon sa mga kabataan na i-try nila ‘to,” giit ng aktor.

Ayon pa kay Ruru ay maraming mga bagay ang kanyang natututunan mula sa Laraw Kali Pamuok training. Nangangarap ang aktor na makapagturo nito sa mga eskwelahan balang araw.

“Gusto kong ibuhos lahat ng energy at attention ko dito at i-master ko siya. Eventually, ang goal ko or ang navi-visualize ko is maging lakan ako someday, maging teacher, and I get to go sa mga schools. Makapagturo sa mga bata about Filipino martial arts. Kung ano ‘yung hindi ko nagawa doon sa last project ko, gagawin ko siya dito. I always want na hanapin ‘yung best version ng sarili ko all the time,” pagtatapos ng binata. (Reports from JCC)