Eala pasok sa Guadalajara Open Semis


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

September 6, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines —  Ayaw paawat ni Alex Eala matapos magtala ng dalawang sunod na pa­nalo upang umabante sa semifinals ng Guadalajara Open na ginaganap sa Panamerican Tennis Center hardcourt sa Zapopan, Mexico.

Naitarak ng 20-anyos na Pinay netter ang 7-6 (2), 6-2 desisyon laban kay Nicole Fossa Huergo ng Italy sa quarterfinals para ma­kapasok sa semis.

Nakipagsabayan nang husto si Eala sa first set ngu­nit hindi ito bumitiw hanggang sa dulo para ma­kuha ang 1-0 bentahe.

Sa second set, hindi na nakaporma pa ang Italian netter matapos rumatsada ng husto si Eala para kubrahin ang panalo at masiguro ang tiket sa Final Four.

Makakaharap ni Eala sa semis si Kayla Day ng Amerika kung saan pakay nito na makahirit ng tiket sa finals.

Tinalo ni Day sa quarterfinals si third seed at World No. 84 Emiliana Arango ng Colombia, 7-5, 6-2.

Nakapasok sa quarter­finals si Eala matapos itakas ang pukpukang 6-7 (3), 7-6 (3), 6-3 panalo kay American bet Varvara Lepchenko sa second round.

Naantala pa ang laban kung saan nahinto ito sa third set dahil sa malakas na buhos ng ulan.

Lamang si Eala ng 3-2 bago itigil ang laro.

Naging magandang pag­kakataon ito upang ma­kapagpahinga si Eala.

Sa pagbabalik ng laro, inilabas na ni Eala ang bu­ong puwersa nito para tu­luyang tuldukan ang kam­panya ni Lepchenko.

Magtutuos naman sina Russian Maria Kozyreva at Hungarian Panna Udvardy sa hiwalay na semis game.

Ang mananalo kina Ko­zyreva at Udvardy ang po­sibleng makaharap ni Eala sa finals.

Nanaig si Kozyreva kay American Alana Smith, 7-6 (10), 6-4, habang nanalo naman si Udvardy kay No. 4 seed Francesca Jones ng Great Britain, 6-4, 4-6, 6-3.

Ang No. 2 seed na si Eala na lamang ang na­la­labing highest seeded pla­yer sa torneo dahil talsik na si top seed Kamilla Rakhimova ng Russia.

Kung makakapasok sa finals, ito ang ikalawang finals appearance ni Eala sa WTA Tour sa taong ito.

Una na itong umabante sa finals sa Eastbourne Open ngunit natalo ito kay Maya Joint ng Australia.