Eala pasok sa US Open main draw entry list


MANILA, Philippines — Pasok ang pangalan ni Pinay netter Alex Eala sa main draw entry list ng US Open women’s singles na papalo sa Agosto 24 hanggang Setyembre 7 sa USTA Billie Jean King National Tennis Center sa New York.

Dahil dito, hindi na kai­la­ngan pa ni Eala na dumaan sa qualifying tournament ng naturang Grand Slam event para makapasok sa main draw.

Nakuha ni Eala ang puwesto nito dahil sa kanyang kasalukuyang ranking sa WTA kung saan nasa No. 56 ang posisyon nito.

Ito ang unang pagkakataon na masisilayan sa main draw ng US Open si Eala — ang kanyang ikatlong pagkakataon sa main draw ng Grand Slam tournament.

Una na itong nasilayan sa main draw ng French Open at Wimbledon kamakailan.

Matatandaang hindi na­kapasok si Eala sa main draw ng US Open noong nakaraang taon.

Natalo si Eala sa final round ng qualifying event laban kay Elena-Gabriela Ruse ng Romania sa iskor na 6-3, 1-6, 4-6.

Umaasa si Eala na mag­karoon ng magandang ratsada sa US Open.

Galing si Eala sa kampanya sa Wimbledon sa London, England kung saan natalo ito kay 2024 Wimbledon champion Barbora Krejcikova ng Czech Republic, 6-3, 2-6, 1-6, sa opening round ng singles.

Hindi rin pinalad si Eala sa double kasama si Eva Lys ng Germany na natalo naman kina Ingrid Martins ng Brazil at Quinn Gleason ng Amerika, 4-6, 2-6, sa first round.

Umaasa si Eala na magiging magandang inspiras­yon ito sa mga kabataang Pinoy players na nais sundan ang kanyang yapak.