GDL brothers magsasama sa PBA


John Bryan Ulanday — Pilipino Star Ngayon

August 28, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Magsasama na sa PBA ang magkapatid na Juan at Javi Gomez de Liaño ilang taon matapos huli silang maglaro para sa UP Figh­ting Maroons sa UAAP.

Inaasahan kasing mag-sumite na ng kanyang aplikasyon para sa 2025 PBA Rookie Draft ang nakababatang si Juan bago ang deadline ng pasahan bukas matapos mag-deklara ng kanyang pormal na intensyon.

Sa ngayon ay naglalaro ang kuya niyang si Javi para sa Magnolia Hotshots matapos ma-trade mula sa Terrafirma na iniwan niya noong nakaraang season upang maglaro sa Anyang Jung Kwan Jang Red Boosters sa Korean Basketball League (KBL).

Sa KBL din huling nag­laro si Juan para naman sa runner-up na Seoul SK Knights subalit hindi na-renew ang kontrata matapos silang mabigo sa kampeon na Changwon LG Sakers na pinangunahan ng kababayang si Carl Tamayo.

Si Arvin Tolentino, na dating PBA BPC para sa NorthPort Batang Pier, na ang Asian import ngayon ng Knights sa KBL.

Para kay De Liaño na dati ring naglaro sa Gilas Pilipinas, katuparan ito ng kanyang homeco­ming matapos maudlot ang pagpasok sa PBA nang maglaro muna sa Japan, Lithuania at Korea matapos ang graduation sa UP noong 2019.

Sasamahan ng 25-an­yos na si De Liaño ang iba pang star prospects na sina Jason Brickman at da­ting Batang Gilas Pilipinas guard na si Dalph Panopio.

Swak din si dating NCAA MVP Will Gozum ng Mapua para sa PBA draft na gaganapin sa Set­yembre 7 sa SM Mall of Asia.

Bago iyon ay magka­karoon muna ng Draft Combine sa Setyembre 4 hanggang 5 sa Ynares Sports Arena upang kilatisin ang mga aplikante na aabot na sa lagpas 30 ngayon.