MANILA, Philippines — Sesentro na ang atensiyon ni Alex Eala sa prestihiyosong Wimbledon Championships na aarangkada ngayong linggo sa All-England Club sa London, England.
Haharap agad sa matinding pagsubok si Eala dahil makakatapat nito sa first round si reigning Wimbledon champion Barbora Krejcikova ng Czech Republic.
Subalit wala pang linaw kung magpapasya si Krejcikova na mag-withdraw sa torneo matapos itong magtamo ng injury sa Eastbourne Open.
Kung magwi-withdraw si Krejcikova, mapapalitan ang makakalaban ni Eala sa first round na lalaruin bukas (Martes sa Maynila).
Sariwa pa si Eala sa runner-up finish sa Eastbourne Open kung saan lumasap ito ng masaklap na kabiguan sa pukpukang finals match.
Nagtamo si Eala ng 4-6, 6-1, 6-7 (10) pagyuko kay Maya Joint ng Australia sa kanilang championship showdown na tumagal ng mahigit dalawang oras.
Maraming beses nabigyan ng pagkakataon si Eala na makuha ang korona kung saan ilang match point ang hawak nito.
Subalit nakagawa ang Pinay netter ng mga krusyal na pagkakamali dahilan upang tuluyang makuha ng Australian teenager ang korona ng Eastbourne.
Aminado si Eala na masakit na tanggapin ang pagkatalo dahil nais sana nitong ialay ang kanyang tagumpay sa buong Pilipinas.
Si Eala ang kauna-unahang Pilipino na nakapasok sa final round ng isang WTA Tour.
“It’s my first WTA final, it’s a big deal for me, and you know, for my country too, because it’s historic, it’s the first time any Filipina has done anything,” ani Eala.
Kaya naman hindi maitago ni Eala ang lungkot na nadama nito nang hatawin ng Australian netter ang winning point nito.
“I guess that’s also why I’m so emotional, but you know, it’s only the first,” dagdag nito.
Nais ni Eala na mabilis na kalimutan ang masaklap na pagkatalo upang maisentro nito ang kanyang buong atensiyon sa mas malaking laban na haharapin nito sa Wimbledon.
Ito ang ikalawang beses na masisilayan sa main draw ng isang Grand Slam tournament si Eala.
Una na sa French Open ngunit yumuko agad ito sa first round.
