September 15, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Sumampa si Pinay netter Alex Eala sa No. 57 spot sa Women’s Tennis Association (WTA) live rankings matapos ang kaniyang kampanya sa Sao Paulo Open sa Brazil.
Nakaabot lamang sa quarterfinals si Eala sa Brazil tournament matapos yumuko kay Janice Tjen ng Indonesia sa iskor na 4-6, 1-6 upang tuluyang mamaalam sa kontensiyon.
Subalit sapat na ito upang mapaangat ang kaniyang puwesto sa WTA live rankings.
Target ni Eala na makaresbak sa susunod na torneong lalahukan nito.
Nakatakdang sumabak ang 20-anyos Pinay ace sa Jingsha Open na idaraos mula Setyembre 14 hanggang 22 sa China.
Si Eala ang top seed sa WTA 125 event dahil ito ang may pinakamataas na ranking sa lahat ng mga kalahok sa torneo.
Nais ni Eala na masungkit ang kaniyang ikalawang WTA title sa season na ito matapos pagreynahan ang Guadalajara Open sa Mexico kamakailan.
Ngunit hindi ito magiging madali kay Eala dahil mapapalaban ito sa mga tennis players na naghahangad din mapaganda ang kanilang puwesto sa rankings.
Kabilang sa mga lalahok sina Xinyu Gao ng China at Erika Andreeva ng Russia.
Masisilayan din sa aksiyon sina Jodie Burrage ng Great Britain, Talia Gibson ng Australia, Tyra Grant ng Italy, Carol Yee ng Amerika.
Sasabak din sina Ariane Hartono ng Netherlands na nakalaban na rin kamakailan ni Eala gayundin sina Mai Hontama ng Japan, Hina Inoue ng Amerika, Renata Jamrichova ng Slovak Republic at Tamara Korpatsch ng Germany.
