September 18, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Hinahasa na ni Karl Eldrew Yulo ang magiging routine nito para sa prestihiyosong 2025 Junior World Artistic Gymnastics Championships na idaraos sa bansa sa Nobyembre.
Kabilang sa mga pinaplantsa ni Yulo ang kanyang magiging performance sa floor exercise na isa sa mga paborito nitong events.
Nagpost sa social media si Yulo kung saan makikitang solido na ang galaw nito sa floor exercise habang nagsasanay ito.
Balanse ang bawat talon at landing ni Yulo upang ipakita na handang-handa na itong makipagsabayan sa mahuhusay na gymnasts sa buong mundo.
Pakay ni Yulo na makasungkit ang gintong medalya sa naturang torneo na lalahukan ng mahigit 500 gymnasts mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Matatandaang nakapagbulsa si Yulo ng pilak sa 2025 Asian Men’s Artistic Gymnastics Championships noong Hulyo matapos sumegunda sa vault event.
Pinaghahandaan ni Yulo ang pagsabak nito sa FIG Junior World Artistic Gymnastics Championships na idaraos mula Nobyembre 20 hanggang 24.