Ex Bulaga boss Malou Fagar, bagong upong PTV-4 GM


Anna Pingol — Pilipino Star Ngayon

August 12, 2025 | 12:00am

Last August 5 ay nanumpa na sa kanyang tungkulin bilang Acting General Manager at Acting Member, Representative from the Private Sector, Board of Directors ng People’s Television Network ang dating Eat Bulaga! lady boss na si Malou Choa-Fagar. Ang panunumpa ay pinasimunuan ng kaibigan niyang si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada sa tanggapan ng huli sa Philippine Senate sa Pasay.

Kinabukasan, agad na binisita ni Tita Malou (term of endearment sa kanya ng mga taga-showbiz) ang opisina at production facility ng flagship state broadcaster sa Quezon City.

Sa panayam sa kanya ng Sentro Balita, ang primetime news program ng PTV-4, sinabi niyang ang vision niya para sa tinaguriang pambansang TV ay mai-revitalize ito through “improved programming, modernized facilities, and increased revenue.”

At uunahin umano niyang maglagay ng entertainment shows to drive income.

“I want to put some entertainment…kahit once a week lang to start off. Hopefully, it will attract sales for PTV 4,” sabi niya.

“We will all work together…as long as you do your share, I will do my share. Thank you,” pagtatapos ng mensahe niya sa mga inabutan na niyang tauhan sa PTV-4.

Si Tita Malou ang pumalit kay former Executive Secretary Oscar Orbos, na nagsilbing chairman last year. Ito na bale ang ikalawa niyang government post matapos mag-retiro sa TAPE, Inc., ang dating producer ng Eat Bulaga. Siya rin ang kasalukuyang Director for Production ng TV UP, ang webcast o internet television ng alma mater niyang University of the Philippines.

Congrats, Tita Malou!