September 15, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Bumangon ang World No. 8 Argentina mula sa 0-2 pagkakabaon para resbakan ang Finland, 19-25, 18-25, 25-22, 25-22, 15-11, sa Pool C ng 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Bumanat si Pablo Koukartsev ng 20 points, habang may 19 markers si Luciano Palonsky para banderahan ang Argentina.
Nagsumite si legendary setter Luciano De Cecco ng 32 excellent sets para sa kanilang reverse sweep.
“Going down 0-2, it’s hard to come back and it’s difficult, but we’re happy and we really enjoyed this victory,” sabi ng 38-anyos na si De Cecco matapos ang laro.
Huling nanalo ng medalya ang Argentina sa World Championship ay noong 1982.
Sunod nilang lalabanan ang back-to-back Olympic champions at No. 4 France bukas sa Big Dome para sa tsansang makaabante sa Round of 16 ng 32-nation world meet.
Haharapin naman ng Finland ang South Korea sa layuning buhayin ang kanilang pag-asa.
Nakabawi ang mga Argentinians matapos mabaon sa isang two-set deficit sa mga Finnish para makatabla sa fourth frame.
Nagtabla sa 6-6 sa fifth set, isang 6-1 atake ang inilunsad ng Argentina para tuluyan nang makalayo sa Finland patungo sa panalo.
Sa isa pang laro, winalis ng No. 17 Belgium ang Ukraine, 25-16, 25-17, 25-22, sa Pool F.
Bumira si opposite spiker Ferre Reggers ng 23 points mula sa 20 attacks at tatlong blocks para giyahan ang mga Belgians.
Sasagupain nila bukas ang reigning world champions Italy.
Samantala, dinaig ng Egypt ang Iran, 25-17, 16-25, 25-23, 25-20, sa Pool A sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Haharapin ng Egypt ang Alas Pilipinas bukas.
