Freddie mabilisan ang libing, walang kabaong!


Sa Facebook account inihayag ng asawa ni Freddie Aguilar na si Jovie Gatdula Albao ang kanyang pagdadalamhati sa pagpanaw ng music icon.

Ang sabi niya sa kanyang Facebook post nung nakaraang Martes, “I will live a good life so I can meet you in Jannah. Inna Lillahi wa inna ilayhi raji’un, to Allah we belong and to Allah we shall return.

“This is not goodbye, just farewell for now. Mahal na mahal kita, hanggang sa muli bhabe. It was a good fight, because we are fighting together. (heart emoji).”

Wala pa kaming nakitang ipinost si Maegan Aguilar tungkol sa pagpanaw ng kanyang ama.

Ang nakita lang namin ay ‘yung sa kanyang kapatid sa ina na nalulungkot din siya sa pagpanaw nito.

Pero ang sabi naman ng ilang napagtanu­ngan naming nasa Philippine Heart Center, okay na raw ang mag-ama.

Pero inilibing na si Freddie Aguilar nung Martes mismo, ilang oras lang ang lumipas pagkatapos niyang pumanaw.

Ipinost ito sa FB account ng Muntinlupa City Muslim Affairs Office.

Ang nakasaad sa kanilang FB account, “Today 27th of May, our brother Brother ‘Abdul Fareeed’ (Freddie) Aguilar passed away at the age of 72.

“His funeral was officiated by the Director of the Muntinlupa City Muslim Affairs Office Brother Johnny Guiling. With the help of the imme­diate coordination of Brother Delfen ‘Amla Omar’ Gayatao Jr., National President of Balik-Islam Consultative Assembly, Inc. In their cooperation with Manila Islamic South Cemetary Dir. Arshad Musa and Solemnizing Officer-Imam Termizie Jawali all necessary steps were taken to settle the gentle burial of the late brother.

“It is great thing to have the continuous support of our dear Mayor Ruffy Biazon in our office for the welfare of our Muslim brothers and sisters.”

Meron pa silang mensahe sa Muslim na ang ibig sabihin nito, “Verily we are from Allah and to Him we hall return.”

Nakabalot lang siya sa puting tela at wala itong kabaong na inilibing sa Manila Islamic South Cemetary.

Ganun lang kasimple ang paghatid sa huling hantungan ng mga Muslim.

Base roon sa mga litratong ipinost sa FB account ng kanilang grupo, wala roon ang anak ni Ka Freddie na si Maegan.

Ang asawa lang nitong si Jovie ang nandoon.

19 na anak ni Dolphy, hati sa kita ng Banayad!

Malapit nang buksan ang wine store na itinayo ng magkakapatid na Quizon para roon ibenta ang Banayad whiskey na ginamit ni Dolphy, na nagsimula sa pelikula niyang Father En Son.

Naayos na ito nina Eric Quizon na kung saan nakipag-partner sila sa isang wine distillery na ginagawa ang mga alak nila sa Scotland.

Iyon ang dahilan kung bakit pumunta roon sila Eric kasama ang mga kapatid niyang sina Epy, Boy 2, at Vandolph.

Naayos na nila ito at malapit na nila itong ibenta sa kanilang wine store.

Ani Eric, “We are opening a store in Katipunan, dun sa White Plains.

“Magkakaroon kami doon sa malapit kami sa Choi Garden, sa tabi.

“We will try to open probably early June, and then sa Parañaque, magkakaroon din kami ng parang branch doon, where they can order.”

Nilinaw na rin sa amin ni Eric Quizon na korporasyon nila itong labinsiyam na magkakapatid.

Lahat sila ay magkakahati sa kikitain nitong Banayad whiskey.

Maayos daw nila itong inilatag na lahat ay may bahagi sa mabebenta ng naturang inumin.

Sa kanya ipinagkatiwala bilang executor o administrator. At hindi naman daw sila nagkakaproblemang magkakapatid.

“So lahat ng projects na pinapasukan namin, even Pidol’s Bakery, lahat ‘yan merong SPA, may kontrata ‘yan with the heirs.

“Ako kasi ang executor. So ako talaga ‘yung ina-assign nila. Ako lang ‘yung nakikipag-deal. So siyempre, of course, korporasyon ‘to. Ang mga korporasyon, ang bigayan ng mga dibidendo, matagal ‘yan. Hindi ‘yung parang everyday or hindi ‘yung pagkabenta, bigay,” dagdag niyang pahayag.

Para kay Direk Eric, hindi naging isyu sa kanila ang pera. Ang mahalaga ay buo pa rin silang magkakapatid at magkakasama na maipagpatuloy ang itinayo nilang negosyo, bilang pagpupugay na rin sa naiwang legacy ng kanilang ama.