MANILA, Philippines — Sa gitna ng biglaang pagbibitiw ni Japanese coach Koji Tsuzurabara ay kailangang magiging matatag ang Petro Gazz sa kanilang kampanya sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) on Tour.
Ipinakita ito ng Gazz Angels nang patumbahin ang Choco Mucho Flying Titans, 20-25, 25-19, 26-24, 25-17, sa pagtiklop ng pool play noong Martes.
Si interim coach Brian Esquibel ang pumalit sa 60-anyos na si Tsuzurabara sa bench ng Petro Gazz na tumapos na may 2-3 record sa Pool A.
“I know na may malaking problem ‘yung Petro, pero siyempre kami, kailangan mag-focus lang kami kung ano ‘yung mga sinasabi ng mga coaches namin,” ani Myla Pablo na humataw ng 23 points bukod sa 16 excellent receptions sa panalo ng PVL All-Filipino Conference champion.
Naglalaro ang Gazz Angels na wala sina Fil-Ams Brooke Van Sickle at MJ Phillips na kasama sa Alas Pilipinas national pool.
Tatlong buwan matapos tulungan ang Petro Gazz na makamit ang AFC crown kontra sa Creamline ay nagbitiw si Tsuzurabara at umuwi sa Japan.
“Iyong presence niya sa loob ng court and ‘yung sinasabi niya sa bawat isa, nandyan pa rin naman. Kung ano ‘yung mga usual na ginagawa nu’ng huling conferences, ine-enjoy pa rin namin,” dagdag ng 31-anyos na si Pablo.
Sasabak ang Gazz Angels sa crossover knockout round na magsisimula sa Sabado sa Dasmariñas Arena sa Cavite.
Nakatakda ang quarterfinals sa Agosto 7 at 9 sa Philsports Arena sa Pasig City.
