Gilas 7th place sa FIBA Asia Cup


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

August 18, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines —  Nagtapos ang Gilas Pilipinas sa ikapitong puwesto sa FIBA Asia Cup na pormal nang nagtapos kahapon sa Jeddah, Saudi Arabia.

Nakaabot lamang ang Gilas Pilipinas sa quarterfinals kung saan natalo ito sa powerhouse Australia sa iskor na 60-84 upang tuluyang matapos ang kam­panya nito sa naturang asian meet.

Sa kabila ng kabi­guang makapasok sa semis, magandang pagtatapos pa rin ito para sa Gilas dahil mas maganda ang puwesto nito ngayon kumpara sa nakalipas na edisyon ng torneo.

Matatandaang nagkasya lamang sa ikasiyam na puwesto ang Gilas noong 2022 FIBA Asia Cup na ginanap sa Jakarta, Indonesia.

Sa naturang taon, hindi nakapasok ang Gilas sa quarterfinals matapos yumuko sa Japan sa iskor na 81-102 sa playoffs.

Sa 2025 edisyon, may 2-3 rekord ang Gilas.

Naitala nito ang unang panalo sa group stage matapos payukuin ang Iraq (66-57) bago pataubin ang host Saudi Arabia sa playoffs sa bendisyon ng makapigil-hiningang 95-88 overtime win.

Subalit hindi pinalad ang Gilas sa mga sumunod na pangyayari nang yumuko ito sa Australia.

Bigo ang Gilas na ma­ibalik sa bansa ang korona ng FIBA Asia Cup na huli nitong nahawakan noon pang 1985 sa torneong ginanap sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Abot-kamay na sana ng Nationals ang kampeo­nato noong 2013 edisyon nang ganapin ito sa Maynila subalit natalo ito sa finals sa kamay ng Iran, 71-85.

Muling nakaabot sa finals ang Gilas  noong 2015 edisyon na ginanap naman sa Changsa, China ngunit natalo rin ito sa China, 67-78, sa gold-medal match.

Sunod na pagtutuunan ng pansin ng Pinoy squad ang pagsabak nito sa FIBA World Cup Qualifiers na magsisimula sa Nobyembre.