September 7, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Babanderahan nina naturalized players Justin Brownlee at Ange Kouame ang pagdedepensa ng Gilas Pilipinas sa 33rd Southeast Asian Games sa Thailand sa Disyembre.
Sinabi ni Gilas coach Norman Black na pumayag na rin sina Japan B.League imports Ray Ray Parks, Jr. at Matthew Wright na muling isuot ang uniporme ng national team sa biennial event.
Kasama na rin sa binubuong tropa sina Fil-American cagers Remy Martin at Jason Brickman, Dave Ildefonso ng Abra sa MPBL at collegiate standout Veejay Pre.
Kasalukuyan pang kinukumpleto ni Black, nagbigay sa San Miguel ng PBA Grand Slam noong 1989, ang Gilas lineup.
“I have four slots left. We’re hoping to be able to add big men, because you can see, if you listen to the names I gave you, we lack bigs,” wika ng 67-anyos na dating PBA coach.
Nauna nang naging assistant coach si Black sa national team nang angkinin ang gold medal sa 2011 SEA Games sa Jakarta, Indonesia.
Kinausap na rin ni Black ang pamunuan ng UAAP para sa posibleng paghiram niya ng ilang collegiate players para makatuwang nina Brownlee at Kouame sa kampanya ng Gilas sa Thailand SEA Games.
“We were hoping that we might get some consideration from the UAAP, because they have a lot of big men there. They can help us as they’re young, they’re good,” dagdag nito.
Nakatakda ang 2025 SEA Games sa Disyembre 9 hanggang 20.
Hangad ng Gilas ang ika-20 gold sa SEA Games.
Tinalo ng Nationals ang Cambodia noong 2023 matapos mabigo sa Indonesia sa finals noong 2021 sa Hanoi, Vietnam.
