November 17, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Sisimulan na ang training camp ng Gilas Pilipinas bilang paghahanda sa FIBA World Cup Asian Qualifiers na raratsada sa Nobyembre 28.
Nakatakdang pumasok sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna ang Gilas Pilipinas para masiguro ang perpektong kudisyon bago sumalang sa first window ng qualifiers.
Muling magkakasama sina Gilas Pilipinas head coach Tim Cone at assistant coach LA Tenorio sa coaching staff para pagtulungan ang pagbalangkas sa game plan ng tropa.
Ito ang unang pagkakataon na muling magsasama sina Cone at Tenorio.
Matatandaang nilisan ni Tenorio ang Barangay Ginebra noong Hulyo matapos itong italaga bilang head coach ng Magnolia Hotshots.
At sa kanilang muling pagsasama, naniniwala si Tenorio na marami na naman itong matututunan sa coaching style ni Cone na maaari nitong magamit bilang coach ng Hotshots.
“Hindi pa naman ako nawala sa Gilas. Another learning for me,” ani Tenorio.
Maliban kay Tenorio, kasama rin bilang assistant coaches sina Richard del Rosario at Patrick Partosa habang team manager naman ng Gilas si Alfrancis Chua na kasama rin nito.
Bukod kay Cone, muling makakasama ni Tenorio ang teammates nito dati na sina Justin Brownlee, Japeth Aguilar, RJ Abarrientos at Scottie Thompson.
Magiging abala si Tenorio sa Gilas ngunit tiniyak naman nito na may maiiwan ito sa Hotshots na siyang magmamando sa team.
Paghahandaan ng Gilas ang away game nito laban sa Guam sa Nobyembre 28 na gaganapin sa Guam.
