October 22, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Tumataas na ang lebel ng laro sa Southeast Asian Games kaya’t hindi magiging madali para sa Gilas Pilipinas ang pagdepensa sa korona nito.
Kaya naman nais ni Gilas Pilipinas coach Norman Black na maagang simulan ang ensayo ng kanyang tropa para masigurong handang-handa ito sa laban.
Target ni Black na umpisahan ang pukpukang ensayo sa Oktubre 27 para sa biennial meet na gaganapin sa Disyembre sa Bangkok, Thailand.
May listahan na si Black ng mga players na kukunin nito para sa SEA Games.
Nangunguna sa listahan si naturalized player Justin Brownlee na bahagi rin ng Gilas Pilipinas na sumabak noong 2023 SEA Games sa Cambodia.
“We’re starting practice on the 27th of October, one week after their meeting in Thailand to decide,” ani Black.
Magiging problema lang ni Black ang availability ng mga players sa listahan nito dahil ilan sa mga ito ay nag-lalaro sa kani-kanyang mother teams sa iba’t ibang liga.
“How many guys will practice is still a question mark because some of the guys are not here,” ani Black.
Kasalukuyang naglalaro sa Japan si Bobby Ray Parks Jr. kasama ang Osaka Evessa habang naglalaro naman sina Jason Brickman at Dave Ildefonso sa Maharlika Pilipinas Basketball League playoffs.
Kasama rin sa listahan ni Black sina naturalized player Angelo Kouame, Matthew Wright, Kymani Ladi, Thirdy Ravena, Mike Phillips, Veejay Pre at Remy Martin.
Isa pang player ang idaragdag nito sa lineup kung saan napipisil nitong isama si Jamie Malonzo na nasa Japan din.
Ito ang unang pagkakataon na muling tatayong head coach si Black ng national team sa SEAG.
Huli itong naging head coach noong 2011 SEA Games na ginanap sa Jakarta, Indonesia.
Matindi na ang bakbakan sa SEA Games dahil maluwag sa eligibility ang mga organizers.