Gilas Youth sasagupa sa Bahrain para sa quarterfinal ticket


John Bryan Ulanday — Pilipino Star Ngayon

September 4, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Makikipagtuos ang Gilas Pilipinas Youth kontra sa Bahrain ngayon sa knockout qualification para sa misyong makaabante pa rin sa quarterfinal round ng 2025 FIBA U16 Asia Cup na ginaganap sa Buyant Ukhaa Sport Complex sa Ulaanbaatar, Mongolia.

Nakakasa ang duwelo sa alas-11:30 ng umaga (Manila time) tampok ang puwesto sa quarterfinals kontra sa wala pang galos at reigning bronze medalist na China matapos nitong walisin ang Group A.

Nalagay sa qualification ang mga manok ni head coach LA Tenorio matapos magkasya lamang sa ikatlong puwesto sa Group B hawak ang 1-2 kartada.

Tumaob ang Gilas kontra sa Chinese Taipei, 82-106, at sa New Zealand, 54-85, habang nagwagi naman sila laban sa Indonesia, 65-60.

Bagama’t mas mahirap ang daan, matatandaang ito rin ang naging ruta ng Gilas noong 2023 edisyon kung saan sila nakapasok sa Final Four ng Asian tourney upang makaabante sa 2024 FIBA U17 World Cup.

Noon ay tinalo ng Gilas ang South Korea sa qualification bago silatin ang Japan sa quarterfinals at magtapos sa likod lang ng Australia, New Zealand at China.

Determinado ang Nationals na maduplika ito para sa 2026 FIBA U17 World Cup na sa Turkey ulit gaganapin at handang pangunahan nina Gab Delos Reyes, Jhustin Hallare, Mark Jhello Lumagub, Ethan Tan-Chi, Prince Cariño at Jeremiah Antolin ang naturang misyon.