Emosyonal si Gladys Reyes nang mapanood ang Delia D. A Musical Featuring The Songs Of Jonathan Manalo sa gala night nito last Friday night na pinagbibidahan ng stage actor na si Phi Palmos.
“Napaiyak ako sa eksenang kumanta ‘yung drag queens using their voices talaga, hindi na lip-sync. Nag-aaway na sila ni Delia D. Kasi… dahil siyempre, parang nagbago si Delia D. nung siya ay sumikat na.
“So, actually, eye-opener talaga na sabi nga dun nina John Lapus, hindi lahat ng makinang, ‘di ba, ay maganda.
“Actually talagang tamang-tama rin sa atin, sa industriya natin, ‘di ba? Sometimes hindi naman laging ang success ay nandun lang sa career,” sabi kaagad ni Gladys nung makausap namin pagkatapos ng mahigit dalawang oras na pagtatanghal.
“Minsan, importante sa lahat, ‘yung pamilya, kung sino ang kasama mo nung ikaw ay nag-uumpisa, dapat sila pa rin, nandun pa rin sila, dun sa success mo.
“Kasama sila, kabahagi sila sa success mo. Hindi dapat nalulunod!” dagdag niya pa sa mga aral ng palabas.
Sapul naman talaga sa puso ang mensahe ng Delia D., na ipinalabas sa Newport Performing Arts Theater sa Newport World Resorts, Pasay City.
Sakto ito sa kasalukuyang panahon na binibigyan ng halaga ang pagiging totoo sa sarili.
Mahirap din ang ginampanang role ni Phi Palmos na isang drag queen na nangarap at nagtagumpay na bukod sa matinding production numbers, kailangan niyang itila-tilapon. Impressive rin na ang galing niyang mag-change costume, effortless.
Limitless ang energy niya as in kung saan nauna na niyang inamin na aniya ay malaking pressure para sa kanya ang magbida sa Delia D. musical.
“It’s such a pressure from the time po it was offered to me,” sabi ni Phi sa presscon nito ilang linggo na ang nakalipas. “Yun po, unang pressure ‘yun, e. The role was offered to you. I didn’t audition. So, ‘yun, pressure siya kaagad.
“I was having doubts because parang magpo-40 lang po ako—I know, I don’t look like my age—pero I’m thinking na kumbaga, at this late in my career, meron akong ganung mga doubts na…
“Tapos drag queen siya. E, fan ako ng mga drag queens. Paano ako sisirku-sirko? Hala! Kaya pa ba ng mga buto ko?!
“Yung mga ganun. So there’s so many doubts actually, but it’s really trusting the process and talking to friends who really believe in me,” pag-amin niya that time.
At tinutukan niya kung paano ipapakita ng Delia D. ang buong LGBTQIA+ community na kanyang kinabibilangan.
“Yung initial thought ko din ay bakit ako naka-focus sa sarili kong pressure? Wherein it’s such a big opportunity, first for me, but most especially, it’s such a big opportunity to represent my community.
“I’m an advocate and I’m a proud member of the LGBTQIA+ community. Ang advocacy ko is pushing for nuanced, sensitive, and truthful representation in media.
“Tapos eto, there’s a show na ang title… puwede naman siyang maging Tara Tena The Musical. Puwede rin siyang maging Gusto Ko Nang Bumitaw The Musical. But the title of the show is Delia D.”
Nagbunga ang lahat, lumampas pa siya sa inaasahan.
Bukod sa husay na ipinakita ni Phi, ang gagaling din ng supporting character, kabilang si John Lapus bilang Mama Eme, Tex Ordoñez bilang Mamon, Shaira Opsimar bilang Kiki, Omar Uddin bilang Raymond, Joann Yap Co bilang Anet, at Josh Cabiladas bilang Jose at maraming-marami pang iba.
Dinirek ito ni Dexter M. Santos.
Ang galing din ng production design, choreography, lahat ng aspeto ng palabas.
Associate director si Menchu Lauchengco-Yulo, at assistant director si Michael Williams.
Maraming pinasikat si Jonathan Manalo sa ABS-CBN artist kaya naman sabi niya sa curtain call: “Isang masigabong palakpakan sa lahat ng cast at lahat ng creatives behind Delia D.!
“Isa pong musical na inihandog namin sa inyo tonight, and maraming-maraming salamat sa lahat ng mga nandito para sumuporta.
“Sa Newport World Resorts Musicals, palakpakan natin sila dahil sa pagsuporta nila sa locally-made Filipino musicals na puwede tayong maging proud sa buong mundo.
“Isang palakpakan sa NWR Musicals!”
Halos puno ang Newport Performing Arts Theater at talagang masasabing buhay na buhay ang musical theater.
Aside from Gladys, nasa audience rin that night sina Vice Ganda with Ryan Bang at mga executive ng ABS-CBN na sina Ms. Cory Vidanes and Direk Lauren Dyogi, Erik Santos, Kyla, Sheryn Regis, Morissette, Lyka Estrella at Roxy Liquigan ng Star Music.
