Globe at Khan Academy Philippines nagsanib sa AI teaching assistant


Pilipino Star Ngayon

August 16, 2025 | 12:00am

Nagsanib-puwersa ang Globe at Khan Academy Philippines upang maihatid ang dekalidad na edukasyon sa bawat Pilipino, sa iisang layunin na mapaunlad ang kalagayan ng edukasyon sa bansa at maabot ang mas maraming mag-aaral.

Sa pagtutulungan para bigyang-lakas ang mga estudyante at guro sa pamamagitan ng inclusive digital learning, mas makatutulong ito sa mga lugar na may limitadong access sa mga kagamitang pang-edukasyon.

Ang kolaborasyong ito ay nagbibigay ng napapanahong suporta sa kasalukuyang mga reporma ng Department of Education, partikular sa digitalisasyon ng mga paaralan, suporta sa mga guro at connectivity projects.

Higit pa ito sa mga tradisyunal na aklat at pagtuturo, at nag-aalok ng mga aralin sa STEM, digital literacy, online safety, at mahahalagang life skills na maaaring ma-access online o sa pamamagitan ng GlobeOne app.

May access na ngayon ang mga estudyante sa mga kursong naaayon sa kasalukuyang curriculum ng Department of Education, at suportado ang mga guro ng Khanmigo — isang AI teaching assistant na nagpapadali ng mga gawaing administratibo upang mas mapalalim pa ang epekto ng kanilang pagtuturo, na kayang gumamit ng iba’t ibang lokal na wika sa Pilipinas tulad ng Tagalog, Waray, Cebuano, Hiligaynon at Ilocano.

Noong unang bahagi ng taon, sa pakikipagtulungan sa Khan Academy at Ayala Foundation, namigay ang Globe ng mga tablet, Blue Boards at Globe Fiber Prepaid WiFi sa limang paaralan bilang bahagi ng G-Gantic Goals program nito.

Kabilang sa mga napiling benepisyaryong paaralan ang CENTEX Manila sa Tondo, Pasong Kawayan 2 West Elementary School sa Cavite City, Lahug Elementary School sa Cebu City, CENTEX Batangas sa Bauan, at Pampanga High School sa San Fernando City.

Upang ma-access ang Khan Academy, bisitahin ang https://www.khanacademy.org/.

Maaari ring ma-access ang platform sa pamamagitan ng GlobeOne app. I-click lamang ang Essentials button, pagkatapos ay piliin ang Khan Academy.