Green Bones, napili na pang-Oscars


SHOW-MY — Salve Asis — Pilipino Star Ngayon

August 24, 2025 | 12:00am

Parang hindi pa tapos ang Green Bones sa pagngongolekta ng parangal na pinagbibidahan nina Dennis Trillo and Ruru Madrid.

Ngayon ay susubok sila sa mas malakas na laban.

Inanunsyo ng GMA Pictures sa social media na ang multi-awarded movie ay official contender na para sa 2026 Oscar entry ng Pilipinas!

“A story worth sharing with the world — reminding us that even in the darkest places, humanity endures. ‘Green Bones’ challenges us to look deeper and question our ideas of justice and redemption,” sabi sa caption ng official account of GMA Pictures.

Kasama sa pinagpilian upang ipadala sa Oscars ang anim pang pelikula – Food Delivery, Sunshine, Hello, Love, Again, Magellan, Song of the Fireflies, at Some Nights I Feel Like Walking.

Ang Academy Award para sa Best International Feature Film ay isang taunang parangal na ibinibigay ng Academy of Motion Picture Arts and Sciences sa Amerika sa isang feature-length ng ibang bansa.

Dati itong kilala bilang Best Foreign Language Film at binago ang pangalan ng award noong 2019 para mas maipakita diumano ang mga pinarangalan na pelikula.

Nanalo rito last year ang The Zone of Interest (2024).

Kaya ng GMA Pictures na suportahan ang kampanya ng pelikula upang magkaroon ng awareness ang mga hurado sa Oscars na isang importanteng factor para  mapansin ang ating entry.

Pero siyempre mas bongga kung magkakaroon ng assistance o suporta ang a­ting gobyerno. Active si First Lady Liza Marcos sa mga nangyayari sa entertainment industry.

Ang Green Bones ang biggest winner kamakailan sa ginanap na 8th Entertainment Editors’ Choice (EDDYs).

Nanalo ng anim na parangal ang pelikulang dinirek Zig Dulay film, kabilang ang Best Picture, Best Director, Best Actor at Best Supporting Actor.