Halamang ipinangalan kay Ate Guy, classified na vulnerable!


SHOW-MY — Salve V. Asis — Pilipino Star Ngayon

September 4, 2025 | 12:00am

Sayang, hindi matutupad ang wish ng die-hard fans ni the late Superstar Nora Aunor na magkaroon sila ng halamang Begonia noraaunorae.

Nadiskubre ang nasabing halaman ng talent manager na si Freddie Blasco.

Ang Begonia noraaunorae ay isang bagong natukoy na uri ng halaman sa Pilipinas noong 2023, partikular na matatagpuan sa mga limestone na kagubatan ng Surigao del Sur.

Isang Bicolana rin si Ate Guy kaya bagay talaga sa kanya ang nasabing halaman.

Tinatawag na amampang o amamampang, ibig sabihin ay “cliff,” ang halamang ito ay nabubuhay sa mga bato sa bahagyang may kulay na malapad na mga kagubatan sa kahabaan ng national highway.

May pagkakatulad ito sa Begonia negrosensis, tulad ng mga patayong tangkay at mga pahaba na dahon na may kaunting buhok at matulis na dulo.

Gayunpaman, naiiba raw ito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mas maiikling mga tangkay, malala­king dahon na may marka ng mapusyaw na berdeng mga patch, at mga kapsula ng prutas na mas mahaba kaysa sa lapad nito.

Hindi tulad ng B. negrosensis, wala itong malalaking bract sa ilalim ng mga kapsula at lumalaki sa mas mahabang tangkay ng bulaklak.

Ang species ay pinangalanan bilang parangal kay Nora Aunor (1953-2025), isang Pambansang Alagad ng Sining para sa Film at Broadcast Arts, bilang pagpupugay sa kanyang mga kahanga-hangang tagumpay sa Philippine entertainment.

Ayon sa International Union for Conservation of Nature (IUCN), ang Begonia noraaunorae ay kasalukuyang classified bilang Vulnerable.

Ayon kay Freddie hindi matagal ang naging proseso bago nakumpirma na bagong species ang Begonia noraaunorae.

Taga-Surigao si Freddie na may doctorate degree sa Botany.

Habang siya nga ay nagtatrabaho noon sa namayapang talent manager na si Leo Dominguez naituloy niya ang pag-aaral ng Botany.

Naging super suppotive si Leo ayon kay Freddie. Siya ang nagbabayad ng tuition fee niya at ‘pag may kailangang i-research, lagi itong nagbibigay ng encouragement para ituloy niya ang pangarap na maging Botanist.

Ang Begonia noraaunorae ay pang-7 na halaman na nadiskubre niya.

Tuwing May lang siya namumundok sa kanilang bayan. Ito ay dahil ‘yun ang panahon na maraming bulaklak na pinapa­nganak o tumutubo.

Kaya buong buwan ng May ay naghahanap siya ng mga bagong uri o klase ng halaman o bulaklak na hindi pa nadidiskubre ng mga naunang Botanist.

May grupo na nag-aaral para ikumpirma na bagong species ng halaman ang nakuha ng mga katulad niya.

Hindi tulad ng showbiz, hindi income generating career ang pagiging Botanist.

Siya pa raw ang gumagastos imbes na kumita siya.

Kaya naman hindi niya nakakalimutan ang mga kabutihan ni Leo na hindi siya itinuring na ibang tao.

Ilang beses na raw siya noong nagpaalam kay Leo, anim na beses, kuwento ni Freddie sa isang chikahan kasama ang ­ilang kaibigan, pero lagi siya nitong pinipigilan.

Na thankful siya dahil na-achieve niya ang pangarap na magkaroon ng doctorate degree sa botany, o Doctor of Philosophy (Ph.D.) na isang research-intensive program na nangangailangan ng orihinal research na natatapos sa isang nai-publish na disertasyon. Kasama sa mga karaniwang lugar ng pag-aaral ang ekolohiya ng halaman, sistematiko, molecular biology, at konserbasyon. Hinahanap ng mga nagtapos ang mga ganitong course sa akademya, gobyerno, industriya, at mga non-profit na organisasyon bilang mga researcher, professor and consultant.