November 25, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Diretso sa semifinals ang No. 3 PLDT matapos patalsikin ang No. 6 Cignal, 25-21, 25-18, 23-25, 25-21, sa knockout quarterfinals ng 2025 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Binuhay ng High Speed Hitters ang hangad na ‘three-peat’ matapos pagreynahan ang nakaraang PVL on Tour at Invitational Conference.
Humataw si Fil-Canadian Savi Davison ng 21 points para sa kanilang ikatlong sunod na semifinals appearance.
“We came into this game, you know do or die, win or go home. We came right here and we came prepared and we’re in the semifinals,” ani Davison.
Sasagupain ng PLDT sa knockout semis sa Huwebes ang No. 2 ZUS Coffee na pinatumba ang No. 7 Capital1 Solar Energy, 25-14, 25-20, 25-18, sa ikatlong quarterfinals game.
Ito ang unang semis appearance ng Thunderbelles, nakahugot kay American spiker Anna DeBeer ng 24 markers, sapul nang sumali sa liga noong 2023.
Samantala, paglalabanan ng No. 5 Petro Gazz at No. 8 Akari ang isa pang semifinals berth.
Ito ay matapos gulatin ng Gazz Angels ang No. 4 Creamline Cool Smashers, 25-23, 25-19, 16-25, 25-14, at sapawan ng Chargers ang No. 1 Farm Fresh Foxies, 28-26, 30-28, 25-21, sa kani-kanilang quarterfinals matches.
Pumalo si Myla Pablo ng 26 points para sa Petro Gazz na nakahugot kay American hitter Lindsey Vander Weide ng triple-double na 19 points, 12 excellent digs at 10 excellent receptions.
Sa unang laro, bumira si American import Annie Mitchem ng 25 points sa pagpapatalsik ng Akari sa Farm Fresh.
