Hiling ng PBA ekis muna sa UAAP


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

August 28, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Hindi pinayagan ng UAAP management committee ang kahilingan ng pamunuan ng PBA na payagan ang mga UAAP players na makapagpartisipa sa PBA Rookie Draft bago pa man magsimula ang season.

Nais sana ng PBA na mapahintulutan ng UAAP ang mga student-athletes players para makapagsumite ng aplikasyon para sa gaganaping Rookie Draft sa Setyembre 7.

Magsisimula ang UAAP Season 88 sa Set­yembre 19 sa University of Santo Tomas grandstand sa España, Manila.

Gayunpaman, inihayag ni UAAP executive director Atty. Rebo Saguisag na sa ngayon, hindi muna ito papahintulutan ng liga.

“We know the advantages that it will grant student-athletes,” ani Saguisag.

Nais ni Saguisag na pag-aralan ito ng husto hindi lamang sa basketball kundi maging sa iba pang sports gaya ng volleyball na mayroon na ring professional league sa ngalan ng Premier Volleyball League.

“However, when we make a decision it’s not for one sport only, it’s for the whole events so making a decision isn’t really simple so we have to politely decline at least for this season,” ani Saguisag.

Hindi nagbigay ng mabilisang aksyon ang UAAP upang walang maging aberya sa nakatakdang pagbubukas ng bagong season ng liga.

Nilinaw naman ng UAAP na hindi nito hinahadlangan ang sinumang student-athletes na nagnanais lumahok sa anumang draft ng professional leagues.

Ngunit hindi na makalalaro sa liga ang sinumang lalahok dahil awtomatikong mawawala ang amateur eligibility sa UAAP.

Inaasahang madedesisyunan ito ng UAAP sa mga susunod na edisyon sa oras na mapag-aralan na ito ng husto ng management committee.