Historic win ng Alas Pilipinas sa FIVB worlds vs Egypt


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

September 17, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Nakatatak na ito sa Philippine volleyball history.

Humataw si Bryan Bagunas ng 23 points kasunod ang 21 markers ni rookie opposite Leo Ordiales sa 29-27, 23-25, 25-21, 25-21 paggupo ng World No 82 Alas Pilipinas sa No. 23 Egypt sa 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Ito pa lamang ang kauna-unahang panalo ng isang Philippine national team sa 64-year history ng international volleyball federation.

“We never played in a world championship before and now we won in a match against Egypt,” ani Italian champion coach Angiolino Frigoni.

Nagdagdag si Marck Espejo ng 13 points para sa 1-1 record ng Alas Pilipinas sa Pool A kagaya ng mga baraha ng Egypt, World No. 14 Iran at No. 40 Tunisia.

“Of course, I’m speechless. Hindi namin inaasahan na mananalo kami today. Inisip lang namin na mag-enjoy kami ngayon, ilalabas lang namin iyong mga natutunan namin,” ani Bagunas na pumalo ng 23 attacks.

Nakatabla ang Egypt, ang reigning African champion, sa second set bago inagaw ng Alas Pilipinas ang third set, 25-21, patungo sa 23-20 bentahe sa fourth frame.

Ang hataw ni Bagunas at block ni Espejo ang kumumpleto sa four-set win ng mga Pinoy hitters sa mga Pharaohs.

Sa iba pang laro, tina­kasan ng World No. 14 Iran ang No. 40 Tunisia, 23-25, 25-20, 25-23, 25-16, sa Pool A para sa tsansa sa Round of 16 spot.

Samantala, pinabagsak ng World No. 3 Brazil ang Czech Republic, 25-11, 25-22, 25-18, para buhayin ang tsansa sa Round of 16.

Sa Smart Araneta Coliseum, dumikit ang Argentina sa Round of 16 berth matapos ang 25-22, 23-25, 25-21, 25-18 pagsibak sa Korea.