August 18, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Naka-podium finish pa rin ang Creamline sa ika-18 sunod na Premier Volleyball League (PVL) tournament.
Inangkin ng Cool Smashers ang bronze medal ng 2025 PVL On Tour matapos talunin ang Cignal HD Spikers, 25-17, 29-27, 25-17, kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Ito ang ikaapat na bronze medal ng 10-time PVL champions na ang huli ay noong 2022 Reinforced Conference.
Pumalo si Michele Gumabao ng 21 points mula sa 16 attacks, tatlong blocks at dalawang service ace at may 13 at 12 markers sina Jema Galanza at Alyssa Valdez, ayon sa pagkakasunod.
“It’s the 18 consecutive (podium finish) and consistently being there siguro,” sabi ng 32-anyos na si Valdez. “We fell short this time definitely, but we’re gonna be very competitive and push each other to be better in the coming conferences.”
Hindi naglaro sina injured outside hitter Tots Carlos at middle blocker Bea De Leon para sa Creamline.
Humataw si Heather Guino-O sa panig ng Cignal kasunod ang 12 markers ni Erika Santos habang may 13 excellent digs si libero Pearl Ann Denura.
Maagang kumawala ang Cool Smashers sa first set para kunin ang 13-3 kalamangan patungo sa 25-17 panalo galing sa crosscourt hit ni Valdez.
Bigo naman ang HD Spikers na makatabla sa second frame sa kabila ng paglilista ng 24-20 bentahe.
Nagsanib-puwersa sina Gumabao, Valdez at Rhea Villarete para itabla ang Creamline sa 24-24 patungo sa 29-27 pagtakas sa Cignal galing sa block ni Pangs Panaga kay Jacque Acuna at atake ni Gumabao.
Sa third set ay kinuha ng Creamline ang 23-17 bentahe kasunod ang ace ni Galanza at off the block point ni Valdez para walisin ang Cignal.