Ilang PBB alumni, astang sikat na agad


SHOWBIZ GANERN! — Gorgy Rula — Pilipino Star Ngayon

September 29, 2025 | 12:00am

Punung-puno ng hanash ang isang kaibigan naming road manager sa ilang housemates ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab.

Nakatrabaho ng alaga niya ang ilan sa mga ito na sumikat naman talaga pagkatapos ng reality search.

Ang dami na nilang fans, na ang iba nga ay sumugod pa roon sa location ng kanilang taping.

Naloloka lang itong si road manager sa ilang PBB Collab alumni dahil ubod na raw ng arte.

Konti na lang daw magkaka-attitude na ang ilan sa kanila.

Kilala naman daw niya ang karamihan sa kanila na ang babait naman daw nung hindi pa sila nakapasok sa Bahay ni Kuya. Ngayon daw ay iba na kung umasta. Feeling super sikat na raw!

Kagaya raw sa taping ng isang weekly show, nagkasama itong ilang taga-PBB sa alaga nitong road ma­nager na nagsumbong sa amin.

Lilipat lang daw sila ng location, ayaw na raw maglakad sa pupuntahang set.

Tanaw naman daw ang location na hindi naman kalayuan, at kayang lakarin. Ayaw raw maglakad! Nagpakuha pa raw ng service para ihatid sila roon.

May fans kasing naghihintay at baka pagkaguluhan, kaya kailangan daw isakay pa sa service para makalipat sa bagong location.

Dati naman daw walang kaarte-arte at ang babait daw ng mga kabataang ito.

Sana huwag daw umakyat sa ulo ang kasikatan nila, lalo na’t parami nang parami ang projects nila.

Siguro nasa manager na rin at handler nila ang pagpapaalala na manatili sanang humble at ‘wag iakyat sa ulo ang success na tinatamasa nila ngayon.

pero minsan kasi, ang handler na mismo ang unang nagbago na akala mo pagkasikat-sikat na ng mga alaga nila.

Gladys, mas sumikat ­ sa pananampal!

Tawang-tawa si Gladys Reyes sa bagong bansag na sinasabi namin sa kanya.

Kung si Ryza Cenon ang bida sa Manananggal ng Unit 3B, si Alma Concepcion naman ang sa Manananggal in Manila, at si Nora Aunor ang Mananambal, si Gladys Reyes naman ngayon ang dakilang “mananampal!”

Aliw itong bagong teaser ng afternoon drama nilang Cruz vs. Cruz na pinagsasampal niya ang mga pulis na pumipigil sa kanya. Malakas ang sampal ni Gladys sa tatlong pulis na pumipigil sa kanya.

Pagkatapos ng take ay nagso-sorry na si Gladys habang hinihimas-himas pa ng mga gumaganap na pulis ang mukhang natamaan ng mabigat na kamay ng Kapuso actress.

“Parang hindi alas dose ano? Nagising ang mga kapulisan! Sorry po. ‘Yun po ay kasama sa script,” sabi pa niya roon sa video.

Naloloka na raw si Gladys sa role niya bilang si Hazel sa seryeng ‘yun dahil na-realize na raw niyang sobrang sama pala ng ugali niya roon.

Halos linggu-linggo ay may nasasampal siya at mukhang ito na nga ang brand niya ngayon.

“Nakakaloka, eto nga pati mga pulis pinasampal sa akin sa script. Pero kakatawa, Kuya Gorg, ‘pag nakikita ako sa labas, daming gusto pasampal imbes pa-autograph. Ang gusto nila bukod sa pa-picture, may drama ng konti para masampal sila. Puro mga Gen Z ‘yun ha?” text ni Gladys sa akin.

Sa nakaraang media launch ng Kontrabida Academy na kung saan ay guest sa pelikulang ‘yun si Gladys, nagpasampal talaga ang mga vlogger sa kanya, pati ang host na tuwang-tuwa namang nakatikim ng sampal niya.

Kaya agree naman siya na siya na nga ngayon ang “mananampal” ng bayan!

Sobrang na-enjoy ni Gladys ang samahan nila sa Cruz vs. Cruz. Lalo silang naging close ni Vina Morales, pati sila Neil Ryan Sese at ang mga kabataang artistang sina Lexi Gonzales, Kristoffer Martin, Elijah Alejo at ang gumaganap na anak niyang si Caprice Cayetano.

Naging magkaibigan na rin sila roon ni Jenny Gabriel. Kaya isinama pa niya ito sa pelikula niyang The Heart of Music.

Ayaw na nga nilang pag-usapan kung hanggang kailan na lang ang taping nila, dahil wala pang sinasabi sa kanila kung mae-extend ba sila.

Pero ang latest na narinig namin ay hanggang November na lang ang taping nila. Kaya parang na-extend na rin sila.

Itong Cruz vs. Cruz ang pinakamataas ang rating sa tatlong afternoon drama. Kaya baka ito pa ang magtatagal.

Malapit nang matapos ang My Father’s Wife kaya pina-plug na ang Hating Kapatid ng mag-asawang Carmina Villarroel at Zoren Legaspi na papalit sa timeslot nito.

Meron pang Sister’s Game ng loveteam nina Elle Villanueva at Derrick Monasterio. Ito raw ang ipapalit naman sa timeslot ng Akusada.