Naranasan na umano ni Ivana Alawi na maging ‘sugar mommy’ noon dahil sa sobrang mapagbigay sa mga kalalakihan. Unang nangyari ang insidenteng ito nang makarelasyon ang isang non-showbiz guy noon. “‘Yung dati ex, ex na parang landian and all. More on mga pagkain, gas, ganyan, pera, pang-allowance. Oh! ‘Di mo kaya, allowance! Hindi naman siya gano’n kagwapo. Akala ko kasi mapuputulan siya ng kuryente. Akala ko may mangyayari sa kanya ‘pag di ko nabigyan ng allowance. Hindi naman monthly ha. Minsan lang, mga every three months. ‘Oh babe, ubos ‘yung pera ko.’ ‘Oh ito,’” nakangiting pagtatapat sa amin ni Ivana sa Fast Talk with Boy Abunda.
Pagkatapos ng naranasan sa non-showbiz guy ay naulit daw ang pagiging mapagbigay ng dalaga sa isa namang artistang lalaki. “Tito Boy, ito po ah, hindi ko nilalahat ang artista. Alam ko maraming mabait diyan at alam ko maraming iba. Pero opo, proud sugar mama, baklang-bakla ‘to. Hinding-hindi ko naging jowa. ‘Yon nga ‘yung masama.
“Pero okay naman ako kasi mapagbigay talaga ako, Tito Boy. Mapagregalo ako, nanghihingi ng watch, tapos mga regalo. Parang, ‘Ang ganda ng watch na ito ‘no?’ Titingin-tingin ka pa sa akin, ano akala mo bibilhan kita? Tapos ‘yung mga, ‘Sa iyo ba ito galing, ‘yung branded na paper bag?’ Sabi ko, ‘Hindi, hindi ako bibili ng branded na paper bag. Hindi pa nga tayo, bibilhan kita?’” pagdedetalye ng aktres.
Madalas na lumalabas noon ang dalaga at ang artistang lalaking hindi naman niya naging nobyo. Si Ivana raw ang kadalasang nagbabayad sa tuwing magde-date ang dalawa noon. “Mga hotel, lahat ako nagbabayad. Tapos ‘yung dinner, ako rin. Ano ito? Pati wine namin, lahat ako. Tapos ‘yung pinakamasama ‘yung loob ko, hotdog na nga lang, mahilig ako sa hotdog sandwich. Tapos siyempre kaya ko ubusin ‘yung isa kasi gutom ako. Hinatian pa ako kasi daw kulang ng budget, bakit? Anong hotdog, hotdog ko ‘to! Masama po talaga loob ko roon. ‘Yung hotdog ko po hinatian pa,” dagdag pa ng dalaga.
Dumating na lamang sa puntong napagtanto ni Ivana ang lahat ng kanyang ginagawa para sa isang lalaki. Hindi raw dapat maging sentro ng isang relayon ang salapi. “Na-realize ko maganda naman ako. Hindi naman ako chaka. At saka na-realize ko bagets naman ako, hindi naman ako matanda. Parang bakit mo ‘ko pineperahan? Pero dapat hindi mo rin peperahan ang mga matatanda. Dapat in general, huwag ka na mamera. Nasa relasyon ka para sa pag-ibig, hindi para sa pera,” makahulugang pahayag ni Ivana.
Samantala, nakahanda umanong maghubad ang dalaga kung kinakailangan sa isang proyekto. Walang magiging problema kay Ivana kung magkaroon man ng frontal nudity ang kanyang gagawing proyekto.
“Baka sila hindi nila kayanin. Oo, kung kailangan, go. Kung para sa trabaho at maganda naman ‘yung script at maganda ‘yung story, why not?” giit niya. — Reports from JCC
