Bibida si Iza Calzado bilang isang guro at madrasta sa MMK (Maalaala Mo Kaya), tampok ang hindi matatawarang pagmamahal sa anak ng isang ina at kung paano niya ito ipinaglaban matapos maabuso mismo ng kanyang mga estudyante, ngayong Miyerkules (May 28), 8:30 p.m., sa iWant, tampok din ang “unfiltered” version na available worldwide.
Patuloy pa ring nangunguna ang programa sa mga palabas na napapanood sa iWant sa buong Pilipinas, kasabay ng paglabas ng ikalimang episode nito ngayong linggo, tampok ang mga makabagbag-damdaming kwento na layuning magbigay inspirasyon sa sambayanang Pilipino.
Magbabalik naman sa mabigat na aktingan si Iza matapos bumida sa horror film na The Caretakers nitong Pebrero at magbalik sa mundo ng teatro sa Tiny Beautiful Things noong 2024.
Makakasama ng actress bilang asawa ng kanyang karakter sa totoong buhay na si Marissa si James Blanco na gaganap bilang Albert, isang simpleng tricycle driver at mapagmahal ngunit striktong ama sa nag-iisang babaeng anak na si Angel na gagampanan ni Krystal Mejes.
Lumaki mang malayo ang loob ni Angel sa madrasta, paglalapitin naman sila ng mapaglarong tadhana sa hindi inaasahang kagimbal-gimbal na pang-aabuso ng mga estudyante mismo ni Marissa kay Angel na sina Dennis at Carlo, na gagampanan nina Benedix Ramos at Lance Lucido.
Sa direksyon ni Paco Sta. Maria at panulat ni Raymund Barcelon, bibida ang kwento ng pagmamahal ng isang madrasta sa anak ng kanyang asawa na sa kabila ng madilim na nakaraan, matapos makaranas din ng pang-aabuso noong bata pa lamang, walang pinipiling dugo o pinanggalingan ang pagiging isang tunay na ina.
Mapapanood din ang MMK sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, at A2Z tuwing Sabado, 8:30 p.m. hanngang 9:30 p.m.
