Nagbigay ng reaksyon si Jak Roberto tungkol sa pagkakamabutihan na diumano ng dating kasintahan na si Barbie Forteza at Jameson Blake. Matatandaang kontrobersyal ang naging hiwalayan nina Jak at Barbie pagkatapos ng mahigit pitong taong relasyon ng dalawa. “Bagay, bagay tsaka it’s about time,” nakangiting paglalahad ni Jak sa 24 Oras.
Ayon pa sa Kapuso actor ay nagkausap na rin sila ni Jameson tungkol kay Barbie. Binigyan din ni Jak ng payo si Jameson sa kung ano mang ugnayan ngayon ng Kapamilya actor at ng dalaga. “Sabi ko kay Jameson, kung ready ka na, kasi may mga deep talks kami ni Jameson. Sabi ko sa kanya, mabait si Barbie. Alagaan mo lang,” pagtatapat ni Jak.
Sa ngayon ay talagang lumalalim na ang pagiging magkaibigan nina Barbie at Jameson. Madalas na magkasama ang dalawa dahil sa pareho ang mga hilig nito katulad ng pagtakbo at pagsali sa mga fun run. “I would say na we’re just enjoying each other’s company. She’s really a good person and, ayun, we have common interests,” maikling pahayag ni Jameson.
Anton, pinayuhang maghinay-hinay kay Charlie
Matagal nang magkakilala sina Charlie Fleming at Anton Vinzon. Ayon sa aktor ay talagang matalik silang magkaibigan ng dating Pinoy Big Brother housemate dahil magkasabayan silang pumasok sa Sparkle ng GMA. “We’ve been close ni Charlie no’ng Sparkle Teens. Noong (GMA Gala 2023), siya lang po ‘yung partner ko sa Sparkle Teens. Kaya best friend ko na po talaga siya that time. Magkaibigan na, nagwo-workshop na, nagkakaeksena na po kaming dalawa. So ‘yung closeness po namin nando’n na, solid,” kwento sa amin ni Anton sa Fast Talk with Boy Abunda.
Para sa binata ay talagang maganda at maayos ang turingan nila ni Charlie. Madalas na nakikitang magkasama sina Anton at Charlie sa paggawa ng TikTok videos.
Mayroong mga tagahanga ang nagsasabing bagay ang dalawa at posibleng maging magkatambal na tatawagin nilang TonLie. Gusto naman daw na makatambal ng aktor si Charlie kung mabibigyan sila ng pagkakataon.
“Ang masasabi ko lang, I’m really honored and grateful and privileged na nasabi sa akin ng mga fans ‘yon (na bagay sila ni Charlie).
“Kung anong mabigay sa akin ng GMA, I’ll take that opportunity. Mayroon naman kaming connection ni Charlie as well,” pagbabahagi binata.
Ayon naman sa ama ng binata na si Roi Vinzon ay mukhang ‘crush’ talaga ni Anton ang dalaga. “Mukha (crush ni Anton si Charlie), ayaw ko namang sabihin… maganda si Charlie ‘di ba? Very pretty, ako, hanggang do’n lang muna ako. Sabi ko sa kanya, basta hinay-hinay lang,” maikling pahayag ni Roi tungkol kina Anton at Charlie. (Reports from JCC)
