October 12, 2025 | 12:00am
Nakumpirmang nagkahiwalay sina Barbie Forteza at Jak Roberto sa pagpasok ng taong 2025. Tumagal ng pitong taon ang relasyon ng dating magkasintahan. Para sa Kapuso actor ay maraming bagay ang kanyang natutunan mula rito.
“For me, Tito, every relationship may learnings ‘yan eh. Kumbaga, na-mold ako bilang lalaki sa relasyon namin. Kasi parang ‘yon ‘yung time na nag-jump ako doon sa mga kinakatakutan kong gawin which is business, magpatayo ng bahay. Medyo malaking responsibilities ‘yon for me na parang ayoko munang gawin, She inspired me na gawin‘yon,” makahulugang pahayag sa amin ni Jak sa Fast Talk with Boy Abunda.
Wala umanong pinagsisihan ang binata sa kinahinatnan ng relasyon nila ni Barbie. “Pero siyempre lagi naman tayong may gusto pa sanang ibigay pa na more than doon sa kung paano ‘yung treatment mo sa karelasyon mo. Sa akin kasi lagi, ‘di ba tinatanong mo anong secret namin before sa mahabang relasyon, it’s commitment talaga and ‘yung communication. Which is for me, kung maibibigay ko lahat ng oras ko na pwede kong gawin, ganoon sana,” giit niya.
Lubos ang pasasalamat ni Jak sa lahat ng panahon na nakasama si Barbie. “Malaking parte siya ng pitong taon na‘yon. Siyempre malaking parte rin siya sa puso ko. Kasi hindi naman biro ‘yung seven years. And masaya ako kung ano man ‘yung nangyari sa amin dahil sa bawat relasyon naman, mapatagal man o maikli, lagi kang may matututunan and lagi may opportunity na parating sa ‘yo,” pagbabahagi ng aktor.
Umaasa ang binata na muli silang magiging magkaibigan ni Barbie. Noong Agosto ay nagkita at nakapag-usap na ang dating magkasintahan sa kauna-unahang pagkakataon pagkatapos ng kontrobersyal nilang hiwalayan.
“One time pa lang kami nakapag-usap after no’ng breakup. Nakita ko siya (sa GMA Gala), nakaupo sa likuran ko. And after no’ng wala na siyang kausap, nagbabasa siya ng script that time, sabi ko, mag-hi lang ako. So ayun, sabi ko, ‘Hi! Kumusta?’ And she congratulated me do’n sa show. Congratulate ko rin siya do’n sa movie niya and sa mga show niya. Gumaan ‘yung pakiramdam ko na meron na akong lakas ng loob para makipag-usap sa kanya. Parang gano’n, naging closure siya for me,” nakangiting kwento ng binata.
Si Jameson Blake ang sinasabing bagong nagpapatibok ngayon sa puso ni Barbie. Ayon kay Jak ay nagkausap na rin sila ng aktor tungkol sa dalaga.
“Kasi no’ng last time namin nag-usap, parang eight years daw siyang walang girlfriend. Tapos sabi ko sa kanya, mabait naman si Barbie. As in, alagaan mo lang. Sabi niya, ‘Yeah! Bro!’ Saglit lang, nagkita lang kami sa mobile bar no’ng Gala. Parang awkward naman kung hindi ako mag-hi sa kanya eh tropa naman, so ‘yon,” pagdedetalye ng Kapuso actor.
Nauugnay ngayon si Jak kay Kylie Padilla. Huling nagkatrabaho ang dalawa para sa My Father’s Wife na nagtapos kahapon. Nanliligaw na nga ba ang aktor kay Kylie ngayon?
“Hindi po, we’re so comfortable with each other kasi. Nag-work kami before sa Bolera. Kumbaga natuwa ako sa kanya na katrabaho dahil she’s so open sa mga eksena. Wala na siyang parang mga walls and inhibitions. Hindi po siya mahirap mahalin. Napaka-open at genuine and napakatalino kausap. So for me wala namang siguro guy na hindi ma-in love sa kanya dahil gano’n siya ka-genuine na tao. And kung bibigyan ako ng chance siguro hindi pa ngayon. Kasi gusto kong ingatan ‘yung kung anong meron kami ngayon bilang close na magkaibigan. First time ko kasi magkakaroon ng girl best friend if ever, parang gano’n na kasi ‘yung treatment ko sa kanya,” paglalahad ni Jak. (Reports from JCC)
