Ahh talagang parang sa pulitika na talaga patungo ang career ng maraming artista.
Lalo na nga at hinangan na talaga ng mga pelikula at maging sa TV, ang daming semplang ang rating.
Kaya swerte ang mga katulad nina Jason Abalos at JC de Vera na naka-join sa kampanyang inilunsad ng Ang Probinsyano Partylist (APPL) nitong Pebrero 11, 2025, kung saan sabay na ginanap ang motorcade sa Batasan, Quezon City, at Apas, Cebu City, kung saan masigla ang pagsalubong ng mga tagasuporta na nagtipun-tipon upang makiisa sa adbokasiya ng APPL sa pangunguna ni Rep. Alfred “Apid” Delos Santos.
Sabagay, matagal nang kilala sina Jason at JC hindi lamang sa kanilang husay sa aktingan kundi pati na rin sa kanilang pagiging tagapagtanggol ng mga programang pang-charity kumabaga. Bilang matitibay na tagasuporta ng Ang Probinsyano Partylist, inilahad nila ang kanilang paniniwala sa misyong itaguyod ang mas magandang kinabukasan para sa bawat Pilipino, lalo na sa mga nasa malalayong probinsya.
Sa Batasan, Quezon City, naging isang malaking pagdiriwang ang motorcade sa temang Mardi Gras kung saan dumagsa kabilang ang LGBT community at sa Apas, Cebu City, isang masiglang street party ang naganap na may kasamang Sinulog artists at street dancers.
Sa likod ng makulay na kampanya, nananatiling matatag ang misyon ng Ang Probinsyano Partylist sa paghahatid ng mga programang pangkabuhayan, tulong-pinansyal, at mga proyektong pang-imprastruktura.
Pinasalamatan naman ni Cong. Apid ang lahat ng sumuporta at nagpakita ng pagkakaisa sa mga isinagawang motorcade.
“Wala nang mas sasaya pa kaysa makita ang ating mga kababayan na nagkakaisa sa pagmamahal, respeto, at pangarap para sa mas maunlad na hinaharap,” aniya.
Si Jason ay pulitiko na, si JC kaya kino-consider na ring kumandidato?
