Jericho, nabuhay ang pagka-pilipino | Pilipino Star Ngayon


SHOWBIZ NEWS NOW NA! — Boy Abunda — Pilipino Star Ngayon

October 14, 2025 | 12:00am

Simula bukas ay mapapanood na sa mga sinehan ang pelikulang Quezon na pinagbibidahan ni Jericho Rosales. Noong nag-aaral pa lamang ay hindi umano nahiligan ng aktor ang tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas. Nagbago ang pananaw ni Jericho mula nang gampanan ang karkater ng dating pangulo ng Pilipinas na si Manuel L. Quezon sa naturang historical biopic movie. “I really never liked history. I was just like falling asleep always. And because of this film, parang nabuhay ‘yung pagka-Pilipino ko. It’s such a blessing. The timing was perfect. I understand now how important history is and I understand that the reason why I fell asleep in my history class no’ng bata ako is because I didn’t care about the country,” pagtatapat ni Jericho.

Hindi naging madali para sa aktor na gampanan ang naturang papel. Bilang paghahanda ay kinailangang pag-aralan ni Jericho kung paano magsalita at kumilos ang dating Pangulo. “Kaila­ngan maging totoo sa ‘yo kaya mahirap siyang gawin. Kailangan namin na gayahin, kaya kailangan kong maintindihan. Binigyan kami ng mga materyales para pag-aralan namin. Sapat ‘yung mga binigay sa amin na materyales para malaman namin ‘yung mga pinakamaliit na kibot niya. Kaya pagkatapos ng pelikula, nakakapagod siya,” kwento niya.

Kasama rin sa bagong pelikula sina Benjamin Alves, Mon Confiado, Therese Malvar, Arron Villaflor, Cris Villanueva, Romnick Sarmenta, Karylle, JC Santos, Jake Macapagal, Bodjie Pascua, Angeli Bayani, Jojit Lorenzo, Joross Gamboa, Ana Abad Santos, Ketchup Eusebio, at Nico Locco. Naging emosyonal si Jericho at ilan pang kasamahan nang matapos ang kanilang shooting. “Karamihan sa amin naiyak kasi binitawan mo na siya eh. Napakasarap na nandiyan ka, binibigay mo ‘yung lahat mo, tapos nandiyan silang lahat ng team namin pati ‘yung actors, nagko-contribute kami sa isa’t isa,” pagtatapos ng aktor.

Kris, inspired kay Heart

May ilang nagsasabing ginagaya diumaano ni Kris Bernal si Heart Evangelista. Hindi naman daw alintana ni Kris ang tungkol dito. “Hindi ko alam bakit. Kasi kung feeling Heart Evangelista ako, di sana mayroon din akong mga Bvlgari niya, mga alahas niya. O kaya mayroon akong mga ka­sing dami ng Birkin niya. Wala naman akong mga gano’n. Ginagaya ba in a way? Kasi hindi ko naiintindihan ‘yung ginagaya,” nakangiting pahayag ni Kris sa Your Honor.

Aminado ang aktres na talagang noon pa man ay iniidolo na niya si Heart. Nagsisilbing inspirasyon din para kay Kris ang misis ni Senator Chiz Escudero. “Ako talaga sabihin ko, idol ko talaga si Heart. Na-inspire ako na parang kailangan ko pa magtrabaho. Parang gusto ko pa mag-open ng business para mabili ko ‘yan. Pero okay lang din naman sa akin na hindi. Parang masaya naman ako na ito lang mayroon,” paliwanag ng Kapusso actress. — Reports from JCC