Sa eded na 56, puno pa rin ng pag-asa si Josie sa paghahanap ng bagong pag-ibig. Minsan na siyang napilitang tapusin ang isang relasyon dahil sa sobrang higpit ng kanyang yumaong ina—isang desisyong matagal niyang iniinda. Pero ngayon, sa tulong ng matalik niyang kaibigan at sa lakas ng loob na nakuha niya mula sa suporta ng audience, handa na siyang muling buksan ang puso para sa pag-ibig.
Dahil sa kagustuhan ni Vice Ganda na tulungan si Josie, lumihis siya sa rules ng segment at pinayagan si Josie na pumili sa lahat ng tatlong “hakbangers”—sina Mike, Emilio, at Ding—na puro senior citizen na may sari-sariling kwento tungkol sa pag-ibig.
Lalong naging espesyal ang karanasan ni Josie dahil nagboluntaryo si Vice na mag-sponsor ng date ni Josie at ng kanyang mapipiling ka-date, bilang pagbibigay-pugay sa mga taon ng pagsasakripisyo niya para sa ibang tao.
Lahat nang ito ay naging posible dahil sa Step in the Name of Love, isang segment ng It’s Showtime na patok sa viewers dahil bukod sa kilig at tawanan, itinampok din dito ang iba’t ibang klase ng pag-ibig, mula sa kabataan hanggang sa mga senior citizen, na patunay na walang pinipiling edad ang puso.
Ang twist sa segment? Ang pagpili ay ginagawa sa isang literal na hagdan. Paakyat kung may “spark,” pababa kung wala. Kasama ng searcher ang kanyang best friend, na tumutulong magpakilala sa kanila sa mga potential jowa.
Pero ang tunay na nakakahanga sa Step In the Name of Love ay ang pusong nilalaman nito. Hindi lang basta kilig ang hatid ng segment, ngunit nagbibigay rin ito ng pagkakataon sa mga taong minsan nang nasaktan, naghintay, o nawalan, na muling maniwala sa pagmamahal.
Todo-suporta rin ang mga hosts nito lalo na si Vice Ganda, sa bawat contestant. Ramdam ang tunay na pakikinig at pag-intindi sa kwento ng bawat isa, kaya naman isang safe space ang segment para sa mga pusong naghahanap muli ng pag-ibig.
Para kina Josie, Mike, Emilio, at Ding, hindi pa huli ang lahat at wala sa edad ang karapatang umibig.
Sa tulong ng Step In the Name of Love, muling nabigyan ng pag-asa at kasiyahan ang mga pusong minsang tumigil sa pagtibok.
Tutukan ang pag-usbong ng pag-ibig sa Step In the Name of Love sa It’s Showtime, mula Lunes hanggang Sabado sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live (KOL), A2Z, at GMA 7.
