Nakakatuwa ang suporta ng mga fans ni JM Ibarra sa Cinemalaya movie nitong Child No. 82.
Noong Linggo ang gala night nito sa cinema 1 ng Shangri-La Mall at talagang naghintay sa labas ng sinehan dahil limited lang ang seats na hindi sila mapagbigyan lahat na makapasok.
Maaga pa lang ay dumating na si JM kasama si Fyang Smith na all-out ang suporta sa kanya.
Bago nagsimula ang screening ay in-announce ng direktor ng pelikula na si Tim Rone Villanueva na so far, naka-13 block screenings na raw sila na karamihan ay ini-sponsor ng fans club ni JM at ng loveteam nila ni Fyang.
Pati ang fans club ni Vhong Navarro ay meron ding pa-block screening, kaya mukhang ito na talaga ang makakakuha ng Audience Choice award.
“Sobrang grateful naman po kami sa part na ‘yun. Hindi ko po maipaliwanag kung gaano ako ka-thankful sa kanila,” bulalas ni JM nang nakapanayam namin bago nagsimula ang screening nito sa gala night.
Kaya kahit pang-ilang screening na itong nadaluhan ni JM, sobrang kabado pa rin daw siya.
“Sobra po! Mula po kahapon, hindi ko na na-enjoy sa sobrang kaba,” napangiti niyang pakli.
“Kinakabahan po ako sa lahat kasi ito po yung first film na project ko. Ito rin po ‘yung unang proyekto na ginawa ko. Kahit na una pong na-release ‘yung Ghosting, eto po yung una kong ginawa.
“Pakiramdam ko, hindi po ako ready na makita nila sa big screen. So, ganito pala ‘yung feeling. And happy naman po ako at the same time, pero andun pa rin ‘yung kaba. Siguro ganun po talaga pag first time,” sabi pa ng Kapamilya young actor.
Nasa iWant na rin ang Ghosting nina JM at Fyang, at maganda rin daw ang feedback sa series nilang ito.
Pero iba siyempre itong Child No. 82 dahil sa Cinemalaya siya, at iba ang crowd nitong independent film festival. “Iba po yung feeling nung sa mainstream, tapos nandito ka po sa Cinemalaya, nung sa mundo ng indie. Halos ang mata nakatingin, may ano e, may idea. May ibabatong learnings talaga sa ‘yo pagdating sa filmmaking. Ako adapt lang po ako nang adapt kung ano ang sasabihin sa akin,” pahayag pa ni JM.
Nagpapasalamat din siya kay Fyang dahil talagang nandiyan para sumuporta.
Mula pa nung Sabado na kung saan nagsimulang i-showing na ang mga Cinemalaya movie, dinadaluhan ni Fyang ang mga block screening nito.
Kaya pangatlong beses na raw itong sa gala night sa Shangri-La Mall.
Sabi nga ni JM, hindi na raw niya kailangang pakiusapan si Fyang. Nandiyan daw agad para sumuporta sa kanya. “Kahit yung to the point na kahit hindi ko siya imbitahin, susuporta talaga siya. Kahit hindi ko siya papuntahin dito, nagugulat na lang ako nandiyan na siya, ganun po siya kasuportado.
“Siyempre, sobrang happy na sa bawat achievements na nakukuha ko na dumarating sa career ko, hindi talaga siya nawawala. Hindi niya pinaparamdam na hindi siya sumusuporta sa lahat ng ginagawa ko, lalung-lalo na rito, sobra,” saad ni JM.
Sabi naman ni Fyang, reciprocal daw ang suportahan nila ni JM. “Opo naman. Kasi, given naman yun yung suporta ko sa kanya. Kahit starting pa lang nung ginagawa pa lang itong pelikulang ito, alam niya sa sarili niya na sobrang suportado siya sa akin,” pakli naman ni Fyang Smith.
Hanggang October 12 ang Cinemalaya, at pagkatapos nito ay isa na namang filmfest ang aabangan na kakaiba dahil mga erotic films ang kalahok dito.
Ito yung Cine Silip ng VMX na first time nilang magpa-filmfest na mapapanood sa ilang Ayala Malls.
Pitong sexy films ang kasali at isa rito ang Haplos sa Hangin na pagbibidahan nina Martin del Rosario at Denise Esteban.
Sina Martin at Denise ay lead actors din sa stageplay na Anino sa Likod ng Buwan na magkakaroon ng rerun ngayong October hanggang November.
Super daring si Martin sa stageplay na iyun na nagpasilip din ng pagkalalaki niya.
Pero etong pelikula niya sa VMX ang pinaka-daring na raw na ginawa niya. “Pinaka-daring ko yatang ginawa, kung tatanungin ako, iyung Anino sa Likod ng Buwan. Sa stage iyon.
“Siguro sabihin na lang natin iyung parang ginawa ko sa stage, para siyang nasa pelikula. Ganun. Pero ang suwerte ko lang din na like I got to work with the best team kung saan naramdaman ko talaga yung alaga nila, respeto nila sa akin.
“Kumbaga, na-brief kami kung ano yung gagawin. May sensuality workshop para alam namin kung ano yung boundaries namin sa isa’t isa ng mga co-actors ko,” saad pa ni Martin del Rosario.
Mas maayos itong pelikula, pero ‘pag sa stageplay, iba siyempre dahil agad-agad makikita sa mga mapangahas na eksena nito.
Kaya hindi lang sa Cine Silip Film Festival magpaka-daring si Martin, kundi mauulit muli sa rerun nito sa stageplay nilang Anino sa Likod ng Buwan.
“Mas intense, mas daring. At may ibang flavor ito ngayon. Hindi ko puwedeng sabihin kasi. Iyun ang magpapa-excite sa mga bagong manonood, e. Or kahit yung mga nanood noon, pag pinanood nyo po ngayon, masasabi ninyo, parang may ibang atake dito sa rerun,” sabi pa ng actor.
