John Arcenas, naglabas agad ng 3 bagong kanta


Pinasok na ng Idol: The April Boy Regino Story star na si John Arcenas ang music industry matapos niyang ilunsad hindi lang isa kundi tatlong bagong awitin sa ilalim ng ABS-CBN record label na StarPop.

Tungkol sa pagkahulog ng damdamin ang ibinahagi niya sa remake ng  Sigurado na mula sa komposisyon ni Trisha Denise na unang inawit ni Belle Mariano.

Sa awitin na Paano Ba ibinida naman niya ang sakit at lungkot dala ng pagtatapos ng isang relasyon habang ang Isa Pang Ikaw ay umiikot sa espesyal na pag-ibig na pang habang buhay. Isinulat ni Richanne Charms Jacinto ang parehong awitin.

Si StarPop label head Roque “Rox” Santos naman ang siyang nagprodyus ng tatlong kanta.

Bago niya pasukin ang musika, nakilala si John bilang aktor sa Netflix series na Happy Crush at musical play na Juan Luna: Isang Sarsuwela.  Pinahanga niya rin ang mga mano­nood sa kanyang standout performance bilang April Boy Regino na nagpakilala sa kanyang bilang isa sa promising young artists ngayong henerasyon.

Available ang musika ni John sa iba’t ibang streaming platforms. Para sa ibang detalye, sundan ang StarPop sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok.