Jokic, Gordon inakay ang Nuggets sa Game 1


OKLAHOMA CITY — Kumolek­ta si Nikola Jokic ng 42 points at 22 rebounds habang isinalpak ni Aaron Gordon ang isang game-winning three-point shot sa 121-119 pagtakas ng Denver Nuggets sa Thunder sa Game 1 ng kanilang Western Conference semifinals series.

Si Russell Westbrook ang nagpasa kay Gordon para sa winning shot nito at ibigay sa Denver ang 1-0 abante sa kanilang duwelo ng Oklahoma City. 

Nagtala si Gordon na may 22 points at 14 rebounds para sa Nuggets at  may 21 markers si Jamal Murray.

Bumida si Shai Gilgeous-Alexander sa Thunder sa kanyang 33 points, 10 rebounds at 8 assists.

Nagdagdag si Alex  Caruso ng 20 points, 6 assists at 5 steals.

Kinuha ng OKC ang 73-64 abante bago nakalapit sa Denver sa 85-90 agwat sa pagtatapos ng third quarter.

Matapos lumamang ang Thunder sa 104-95 ay muling nakadikit ang Nuggets hanggang isalpak ni Gordon ang kanyang winning triple.

Sa Boston, umiskor sina Jalen Brunson at OG Anunoby ng tig-29 points para sa 108-105 overtime win ng New York Knicks laban sa nagdedepensang Celtics sa Game 1 ng kanilang Eastern Confe­rence semifinal series. 

Ang agaw ni Mikal Brid­ges mula kay Celtics guard Jaylen Brown sa huling segundo ng overtime ang sumelyo sa 1-0 lead ng New York sa kanilang duwelo ng Boston.

Kumolekta si Karl-Anthony Towns ng 14 points at 13 rebounds para sa Knicks na nauna nang natalo ng apat na beses sa Celtics sa regular season.

Bumangon ang New York mula sa isang 20-point deficit, 55-75, sa second half para takasan ang Boston.

Pinangunahan nina Jayson Tatum at Brown ang Celtics sa kanilang tig-23 points.

Nagtala ang Celtics ng NBA playoff-record na 45 mintis na 3-pointers.