Jose Mari, hinihintay kung magiging National Artist!


RATED A — Aster Amoyo — Pilipino Star Ngayon

September 1, 2025 | 12:00am

Alam mo, Salve A., simula sa araw na ito, Sept. 1, ay magiging visible na ang iba’t ibang memes ng veteran award-winning singer-songwriter, performer and successful businessman na si Jose Mari Chan.

Although he does not agree na siya ang simbolo ng Kapaskuhan sa Pilipinas kundi si Jesus Christ, naging parte na sa tradisyon ng kamalayan ng mga Filipino ang iba’t ibang mukha niya simula sa pagpasok ng ‘Ber’ months.

Ito rin ang simula ng pagiging mabenta ng Christmas albums / songs niya laluna ang awiting Christmas in Our Hearts, his duet with his daughter, Liza Chan-Parpan.

Katunayan, ang Pilipinas ang bukod tanging bansa sa buong mundo ang nagsi-celebrate ng longest Christmas holidays. Kasabay nito ang sobrang in-demand si Jose Mari sa corporate Christmas parties.

Dubbed as the King of Philippine Christmas Carols na ayaw rin niyang sang-ayunan dahil may mga nauna nang composers ng classic Filipino Christmas songs sa kanya, habang ang 1990 monster Christmas hit song niya na Christmas In Our Hearts remains the highest-selling Filipino Christmas song of all time gayundin ang album nito.

He was exposed to music at an early age dahil sa kanyang maternal grandmother na mahilig magpatugtog ng musika sa kanilang bahay habang pianist naman ang kanyang ina na si Florencia-Lim, only child ng isang Filipino-Chinese couple.

Ang ama ni Jose Mari na si Antonio Chan ay isang pure Chinese from Fujian, China na nag-migrate sa Pilipinas when he was 13 years old. Sa kalaunan ay nagtayo ang kanyang ama ng isang sugar trading business in Bacolod.

Sa edad na ‘yun siya unang nagkainteres sa pagsusulat ng kanta hanggang magtuluy-tuloy na ito.

Since negosyante ang ama niya, hindi umano ito supportive sa kanyang music career dahil mas gusto niyang mag-focus siya sa kanilang negosyo. Pero sa kalaunan ay sinuportahan ng kanyang ama ang kanyang hilig sa music provided hindi ito magpapabaya sa kanilang negosyo na siya namang ginawa niya.

Katunayan, matagal ding nawala sa Pilipinas si Jose Mari para tutukan ang kanilang negosyo sa Amerika na umabot ng 11 years hanggang magdesisyon siyang bumalik ng Pilipinas nung 1996.

Kahit nung nasa Amerika pa siya ay patuloy siya sa pagku-compose at ipinakakanta niya ang mga ito sa ibang singers.

Taong 1966 nang magsimula siya sa entertainment business nang siya’y maging bahagi ng 9 Teeners ng ABS-CBN. Taong 1989 naman nang kanyang i-record ang kanyang first album na pinamagatang Deep in My Heart na siya ring titulo ng kanyang first hit single.

To this day ay meron na siyang 14 studio albums na pawang top sellers na umabot sa gold and multi-platinum status.

Sino ang makakalimot sa classic hit songs niya tulad ng Deep In My Heart, Constant Change, Beautiful Girl, Christmas In Our Hearts, Can We Just Stop and Talk A While, Please Be Careful With My Heart, Refrain, A Love to Last A Lifetime at marami pang iba?

Tulad niya, nagmana rin sa kanyang music talent ang kanyang mga anak pero sa iba’t ibang fields ang mga ito nag-focus.

Kung kami ang tatanungin, isa dapat si Jose Mari sa mga strong contender for National Artist in Music na sana’y maigawad sa kanya habang buhay pa siya at aktibo pa sa kanyang music career at the age of 80.