Juday, may trauma pa sa panganganak


Mahigit labing-anim na taon nang kasal sina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo. Taong 2016 nang ipanganak ng aktres ang bunso nilang mag-asawa na si Luna. Nakaranas umano ng trauma si Juday kaya hindi na nagplanong dagdagan pa ang mga anak. “After ko manganak kay Luna, sinabi ko talagang ayaw ko nang mag-baby. Kasi CS (cesarean section) ako, ang sakit. Kay Lucho, normal birth ako, kay Luna CS ako, sakit na sakit ako. Na-trauma ako sa pain kasi hindi ako ready na ma-CS eh,” pagtatapat ni Juday sa YouTube channel ng kaibigang si Gladys Reyes.

Desidido na talaga sina Juday at Ryan na hindi na magkaroon ng karagdagang anak. Iniisip na rin umano ng aktres ang kanyang edad ngayon. “Parang mahirap na, 47 na ako. At saka parang iniisip ko, kapag magkaka-baby kami ngayon, kung ano man ang i-bless ni Lord, sa pagkakataong ito at nagka-baby kami, dapat handa akong nagpupunta pa ako sa day care na 60 years old ako, nagpupunta ako sa fair. Akala mo tapos ka na sa daycare, babalik ka na naman sa daycare,” nakangiting pahayag ng dating child star.

Ngayon ay masaya sina Judy Ann at Ryan sa kanilang tatlong anak na sina Yohan, Lucho at Luna. “Naka-focus na lang ngayon kami sa each activity na gusto ng mga bagets namin like si Lucho is very much into football. So at least natututukan namin siya. Sila naman din, open sila na magkaroon ng isa pang baby if dumating. Pero okay na rin sila na silang tatlo lang,” giit ng aktres.

 

Marian, quota na kay Zia

Mapapanood na simula June 28 ang Stars on the Floor kung saan ay si Alden Richards ang magiging host. Magsisilbi namang judges o dance authority sa naturang dance competition ng GMA Network sina Pokwang, Coach Jay Roncesvalles, at Marian Rivera. Masayang-masaya umano si Marian dahil muling nabigyan ng pagkakataon maipamalas ang kaalaman sa pagsasayaw. “Hindi mawawala sa daloy ng dugo ko ang pagsasayaw dahil number one love ko ‘yan talaga, ang dance,” bungad ni Marian sa 24 Oras.

Ayon sa Kapuso actress ay talagang hilig din ng kanyang pinagmulang pamilya ang pagsasayaw. “Hindi mawawala ‘yung dancing kasi sa pamilya ni papa and sa family ni mama, lahat kami mahilig sumayaw,” pagbabahagi ng aktres.

Matatandaang naging miyembro rin noon ng Abztract Dancers ang asawa ni Marian na si Dingdong Dantes. Nahihilig na rin daw sa pagsasayaw ngayon ang panganay na anak ng mag-asawa na si Zia. “’Yon ang tinatawag na quota ‘yung anak ko. Lahat ginagawa niya, kumakanta, sumasayaw, nagpi-piano, lahat talaga ginagawa ng anak kong ‘yon,” paglalahad ng Kapuso actress. (Reports from JCC)