Inaasikaso na ni Cristy Fermin ang piyansa sa kasong libel na isinampa ni Bea Alonzo matapos makitaan na meron itong probable cause laban sa kanya at kanyang co-hosts na sina Rommel Villamor at Wendell Alvarez.
Ipinag-utos nga ng Quezon City Regional Trial Court Branch 93 ang pag-aresto sa manunulat at host kasama ang kanyang co-hosts kaugnay ng kasong libel ni Bea noong nakaraang taon.
Ang kautusan ay ipinalabas ni QC RTC Presiding Judge Cherry Chiara Hernando.
Itinakda naman ni Judge Hernando na makakapagpiyansa ng tig-P48,000 ang tatlo para sa pansamantalang kalayaan.
Noong may 2024 nga ay nagsampa ng kasong libel si Bea laban sa tatlo dahil diumano sa maling paratang, malisyoso at nakakasirang mga impormasyon sa kanilang online show.
Noong panahong iyon, kakatapos lamang magkaroon ng public announcement ni Bea na hindi na tuloy ang kanyang kasal sa actor na si Dominic Roque na naikuwento naman ni Cristy sa kanyang online program.
Dito ay nasabi pa ni Cristy ang umano’y pagkabigo ni Bea na mag-file ng kanyang buwis at ang labor case na umano’y dapat naisampa rito ng kanyang driver.
Binigyang diin ng kampo ni Bea na karapatan ng aktres na ipaglaban ang kanyang reputasyon kaya’t naisampa ang kaso.
“Inasikaso na namin. Naku, ganun talaga! Ilalaban natin ito,” reaction ni Nay Cristy sa pagpapaaresto sa kanila.
