February 21, 2025 | 12:00am
Kung hindi kami nagkamali, i-a-announce na ngayong araw ang pagbabalik ng Pilipinas Got Talent.
Hindi lang sinabi ng aming source kung kailan ito magsisimula, pero ayon sa aming reliable source, ang uupo raw na tinatawag nilang ‘power judges’ ay sina Mr. Freddie Garcia, Eugene Domingo, Donny Pangilinan at Kathryn Bernardo.
Bakit kaya pinagsama sina Donny at Kathryn?
Totoo kayang sila ang susunod na ipagpa-partner?
Wala na ba talagang kasunod sina Kathryn at Alden Richards?
Kung walang isusunod sa tambalang KathDen, magiging KathDon na kaya?
Isa ‘yan sa aabangan natin.
Samantala, bumobongga na itong stand-up comedian at writer na si Alex Calleja, dahil sa success ng Tamang Panahon sa Netflix.
Na-curious yata ang mga sambayanan sa kanya kaya mataas ang rating ng guestings nito sa telebisyon.
Nag-guest si Alex sa TiktoClock noong nakaraang Martes, Feb. 12, at sumampa sa 3.1 percent ang rating nito.
Madalas kasi ay 2 percent plus lang ang regular rating ng naturang daily show, pero tumaas ito nang umapir si Alex Calleja.
Noong Miyerkules ay nag-guest siya uli nang live, naka-2.7 percent ito.
Nung araw ring ‘yun ay live guest din siya sa Fast Talk With Boy Abunda, at naka-4.2 percent ang rating nito.
Pagkatapos niya sa Fast Talk, tumuloy siya sa taping ng Family Feud. Kaya ratsada nang bonggang-bongga si Alex Calleja.
Jojo, nag-hyperventilate sa ginawa ni Mark!
Nasa hospital si Jojo Mendrez nang mini-message ko siya nung Miyerkules pagkatapos ng press launch niya sa Star Music na ginanap sa Dapo Restaurant noong Martes ng gabi.
Pagkatapos niyang pumirma sa Star Music, inilunsad ang bagong revival song niyang Somewhere In My Past na pinasikat noon ng namayapang child actress na si Julie Vega.
Pero nang magpa-sample si Jojo ng isa pang ni-record niyang Nandito Lang Ako na likha ni Jonathan Manalo, biglang sumulpot si Mark Herras at nagbigay ng flowers sa kanya at yumakap.
Nagulat ang lahat dahil bago ‘yan ay iniiwasan pa ni Jojo na sagutin ang isyu nila ng Kapuso actor.
“Kasi sa aking side, e, andami ko nang pinagdaanan. Family ko, affected. Tapos ‘yung mga kaibigan ko, tumatawag sa akin.
“So kumita naman ang mga social media, mga bloggers. Kumita sila dun. Sa akin, hayaan na lang. Siguro one day, malalaman din nila ‘yung totoo,” dagdag niyang pahayag.
So, ano kaya ang totoo nang biglang sinorpresa niya si Jojo?
Ito sana ang gusto kong itanong kay Jojo, pero kalalabas lang daw niya ng hospital, dahil nagka-hyperventilate raw siya pagkatapos niyang kumanta at nang makita si Mark.
Kinuwento sa amin ng isang kasama namin na bago pa dumating si Jojo doon sa Dapo, maaga pa lang ay nandun na raw sa parking ng restaurant si Mark.
Katabi raw ng aming source na nag-park ang kotse ni Mark at naghintay lang ito sa loob.
Lumabas lang daw ito nung kalagitnaan ng press launch. May bitbit ng bulakalak at ‘yun ang iniabot kay Jojo.
Bongga ang paandar na iyan dahil marami talaga ang curious kung ano ba talaga ang meron kina Jojo at Mark. Kung ano man ‘yun, at least nakatulong si Mark para sa promo ng bagong single ng Revival King.
